Hontiveros

QUIBOLOY BANTA SA KALIGTASAN NG MGA BATA?

January 21, 2024 People's Tonight 134 views

QuiboloyTanong ni Hontiveros:

IGINIIT ni Sen. Risa Hontiveros ang kahalagahan na mapanagot ang televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy kung mapatutunayan na totoo na siya ay banta umano sa kaligtasan ng mga bata.

“He (Quiboloy) must not escape accountability. Our children’s lives are at stake,” ani Hontiveros.

Iginiit naman ng abogado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio na hindi na dapat imbestigahan ng Senado ang isyu dahil mayroon ng nakasampang kaso sa korte ng Estados Unidos kaugnay nito.

“The Senate investigation is not proper. These allegations will be tried in the courts of the United States,” punto ni Topacio.

Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Senate committee on women, children, family relations and gender equality na pinamumunuan ni Hontiveros ngayong Martes, Enero 23.

Inaasahang sesentro ang imbestigasyon sa mga alegasyon laban kay Quiboloy at sa pinamumunuan nitong Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Ang isasagawang imbestigasyon ay bunsod ng inihaing resolusyon ni Hontiveros kaugnay ng mga mali umanong ginagawa sa mga taga-sunod ng KOJC, gaya diumano ng human trafficking, rape at iba’t ibang uri ng pang-aabuso.

Iimbitahan sa pagdinig si Quiboloy at ang mga dating miyembro ng KOJC na sinasabing nakaranas ng pang-aabuso.

Layunin ng imbestigasyon ng Senado na mailantad ang umano’y katotohanan at mapanagot ang mga indibiduwal na mayroong maling ginawa.

Ayon sa resolusyon ni Hontiveros, mayroong grupo na tinatawag na “pastorals” na kinabibilangan ng mga menor de edad na mayroong mga personal na gawain sa KOJC.

Ang pastoral umano ang naglalaba, naglilinis ng kuwarto, nagpapaligo at nagmamasahe kay Quiboloy.

AUTHOR PROFILE