SPA Source: FB

QC massage spa na may ‘dagdag serbisyo’ ni-raid, 12 bebot sinagip

May 14, 2024 Melnie Ragasa-limena 415 views

NI-RAID ng mga pulis ang massage spa sa Quezon City na nag-aalok umano ng “dagdag na serbisyo” at nasagip ang 12 babaeng biktima ng human trafficking.

Naaresto ang may-ari, kahera at receptionist ng Mira Spa sa Reylila Building sa Mercury St., Commonwealth Ave., Quezon City.

Isinagawa ang pagsalakay ng makatanggap ng reklamo ang District Special Operations Unit (DSOU) ng Quezon City Police District (QCPD)) mula sa Quezon City Business Permits and Licensing Department (QC-BPLD) hinggil sa mga ilegal na aktibidad sa spa.

Ayon sa DSOU, nadiskubreng nag-aalok ang spa ng dagdag na serbisyo sa mga customer bukod sa massage therapy.

Para mapatunayan ang impormasyon, nag-surveillance ang mga operatiba ng District Women and Children Concern Section (DWCCS) sa ilalim ni P/Maj. Rene Balmaceda at ng DSOU na pinamumunuan ni P/Maj. Wilfredo Taran Jr.

Nang magpositibo ang sumbong, nagpanggap na customer ang isang pulis at nang magpamasahe ito inalok ng masahista ng dagdag na serbisyo sa una kaya agad itong sinalakay.

Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act na sinusugan ng R.A. 11862 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 ang mga naaresto.