
Pulis na suspek sa pagpatay sa 2 timbog
TIMBOG sa kanyang mga kabaro ang isang pulis na suspek sa pagpatay sa dalawang lalaki at pagkasugat ng isang babae Miyerkules ng umaga sa Malabon City.
Sa ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. nadakip ng puwersa ng Northern Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Malabon police si Pat. Zenjo Del Rosario, nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon police dakong alas-12:50 ng hapon noong Setyembre 27.
Suspek si del Rosario sa pagpatay kay Jay Bacusmo Apas at pagkakasugat sa kasintahan niyang si Joy Baby Tadiamon, na nakaratay pa sa Tondo Medical Center sanhi ng tama ng bala sa katawan at kaliwang hita.
Namatay naman habang ginagamot sa Makatao Hospital si Alexis Gutierrez bunga ng mga tinamong tama ng bala sa katawan.
Lumabas sa imbestigasyon na pinasok ng suspek ang bahay ni Gutierrez sa 51 Basilio St. Brgy. Acacia dakong alas-5:00 ng umaga at pinagbabaril ito sa harap ng kanyang dalawang menor-de-edad na anak.
Pinagbabaril din ang magkasintahang pumunta lang sa lugar at mabilis na tumakas sakay ng isang motorsiklo.
Nakilala ang suspek dahil sa CCTV. Kitang-kita sa CCTV ang pagtakas niya sakay ng motorsiklo matapos ang pamamaslang.
Ayon kay BGen. Nartatez, isinailalim na sa medical examination at paraffin test si Pat. Del Rosario.
Sa pahayag naman ni NCRPO Public Information Office head P/Lt. Col. Eunice Salas, iniutos na ni NPD District Director P/BGen. Rizalito Gapas ang administrative relief ni Malabon Police Acting Chief P/Col. Jay Baybayan at pansamantalang itinalaga si P/Maj. Alfredo Agbuya, Jr., ang assistant chief of Police for Administration (ACOPA), bilang Officer-In-Charge.