Default Thumbnail

Pulis may malalim na imbestigasyon sa binaril na kelot sa Malabon

October 21, 2023 Edd Reyes 456 views

MALALIMANG imbestigasyon ang isasagawa ng pulisya hinggil sa pamamaril sa 23-anyos na lalaking bumulagta sa kalsada noong Biyernes sa Malabon City.

Sa report na nakarating kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, 1:30 ng hapon nang makita ng mga tao ang sugatang lalaki na tumatakbo sa Mabolo Road at bumulagta sa Gov. Pascual Ave. Brgy. Potrero.

Nagresponde naman sa lugar si P/Capt. Joseph Alcazar, deputy commander ng station 2, kasama ang kanyang mga tauhan. Nang matiyak na buhay pa ang biktima, isinugod ng mga pulis sa Manila Central University (MCU) Hospital.

Sa salaysay ng biktimang si Kenneth Maata, 23, ng 13 Rosal St. Brgy. Capri, Novaliches, Quezon City, kay P/SSg. Jeric Tindugan, may hawak ng kaso, kumakain siya sa isang fast food restaurant sa Kingspoint, Brgy. Bagbag, Novaliches nang lapitan siya ng lalaking naka-camouflage pants, itim na jacket at may suot na itim na helmet at niyaya siyang sumama sa paghahanap ng pera at cellphone.

Nahimok si Maata ng suspek hanggang lumibot sila sa Quezon City, Valenzuela at Caloocan hanggang sa makarating sa Mabolo St. sa Malabon kung saan pinababa siya ng suspek upang alamin kung may police checkpoint sa malapit na kanto.

Nang bumaba umano siya, bigla na lamang siyang binaril ng dalawang ulit ng suspek. Kahit sugatan, pinilit niyang tumakas hanggang sa tuluyang bumagsak sa kanto ng Gov. Pascual Ave.

Gayunman, nang magsagawa ng pagsisiyasat sa lugar ang mga pulis, wala isa man ang nagsabi na may narinig silang putok ng baril sa lugar at wala ring nangyaring komosyon.

AUTHOR PROFILE