Magi

Puhunan ang oras sa ating kinabukasan

December 28, 2024 Magi Gunigundo 265 views

“Ang iyong bukas ay nakasalalay sa gagawin mongayon.”-Mahatma Gandhi

ANG oras ay mahalagang puhunan na hindi dapat sayangin. Sinusukat ng oras ang mga kaganapan ng ating buhay sa tatlong yugto — ang kahapon, ang kasalukuyan, at ang kinabukasan. Ang ating kasalukuyan ay bunga ng ating kahapon at ang ating kinabukasan ay nakasalalay sa ating ginagawa ngayon. Kung paano natin pinamamahalaan ang ating oras ay repleksyon ng ating pagkatao, ng ating mga pinapahalagahan, at ng ating disiplina sa sarili.

Kapag epektibo nating napapangasiwaan ang ating oras, ipinapakita nito ang ating disiplina sa sarili, na tayo ay mahusay mag-organisa, at kaya nating tumupad sa responsibilidad. Sa kabilang banda, ang pawarde-wardeng pag-aaksaya ng oras ay nagpapahiwatig ng kakulangan ng pagkilala sa mga bagay na mahalaga sa buhay, kawalan ng ambisyon at prayoridad ng gampanin, at kulang sa pagtitimpi sa sarili kaya’t mahirap asahan.

Tandaan na ang oras ang pinakamahalagang salik sa pagkamit ng tagumpay. Kung gusto nating makamit ang ating mga layunin, kailangan na sinasadya ang gamit ng ating oras ngayon sa kaparaanang matalino at maagap. Nangangahulugan ito ng paglalaan ng oras sa mga bagay na magpapaginhawa ng kinabukasan, at pagtalikod sa mga libangan na nilalayo tayo sa tagumpay. Halimbawa, noon ako ay mambabatas pa, itinigil ko ang golf na umuubos ng limang oras ng aking araw tuwing maglalaro ako, upang aking matutukan ang pagbalangkas ng mahalagang mga batas — tulad ng K to 12 law at Customs Modernization and Tariff Act,na kinailangan gugulan kong malawak at malalim na pagsasaliksik at seryosong pag-iisip.

Kahit mahusay nating pinamamahalaan ang bawat oras ng ating buhay, ang bawat indibidwal ay mauubos ang oras dahil mortal tayong lahat. Mula sa ating pagsilang, ang bawat araw na dumarating ay hakbang papalapit sa ating huling hantungan. At kahit hindi natin alam kailan darating ang araw na iyon, sigurado ang pagdating nito, at kahit mayaman at makapangyarihan ay hindi kayang bumili ng karagdagang oras na pangdugtong sa papalagot na hininga.

Bagama’t nakapanlulumo na ang ating buhay ay may umpisa at katapusan, nagbibigay rin ito ng dunong upang sulitin ang bawat oras na mayroon tayo, mamuhay nang lubos, at ipagpatuloy ang pagsusumikap na makamit ang ating mga pangarap. Ang pagkilala na limitado ang oras ng ating mga buhay ang daan upang igalang din natin ang oras ng ibang tao na limitado rin ang oras ng buhay at ng maiwaksi ang nabuong negatibong reputasyon na palaging huli sa tipanan, gamit ang pudpod na paumanhin na sobrang trapik upang ikubli ang katotohanan natin anghali ng gising at hindi pinaghandaan ang lakad. Ibig sabihin, maging organisado upang hindi makapagnakaw ng oras ng ating kapulong.

Sa taong 2025, mayroon tayong 365 na araw na mailalaan sa mga bagay na importante at hindi kasama rito ang pagsusugal (tulad ng mobile legend), paglalasing sa alak at iligal na droga, pakikipagbakbakan sa mga sinungaling na trolls at mga panatikong bulag sa katotohanan, pagpo-post ng mga litrato sa social media , at pagmamarites.

Ang oras ay nakaka-aliw na bagay sapagkat mabagal at mahaba ito kapag tayo’y naiinip at mabilis at maikli ito kung tayo’y nalilibang. Upang masulit ang ating oras, kailangan humanap ng paraan para magkasya at balanse ang lahat: pamilya, eskwela, negosyo, trabaho, ehersiyo at pahinga. Sa paglalaan ng oras para sa mga bagay na mahalaga sa atin, maaari nating makamit ang maginhawang bukas. Kathang isip lang ang “time machine” ni Dr. Emmet Brown ng pelikulang Back to the Future (1990) upang maitama ang kamalian nagawa at punan ang pagkukulang ng nakaraan upang maituwid ang nasilip na masaklap na bukas. At wala rin tayong magagawa para pahintuin, pabagalin o pabilisin ang bawat segundo, minuto, at oras na parehas ang kumpas sa ano mang mamahaling reloj o mumurahing orasan.

Tama ang payo ni M.Gandhi. Puhunan ang oras sa ating kinabukasan. Natural na gaganda ang bukas kung sinasadya natin ngayon ang paggamit ng oras sa pagpapawis sa pagkamit ng matamis na tagumpay.

AUTHOR PROFILE