Default Thumbnail

Proklamasyon sa nanalong mayor sa hiniling ipagpaliban!

June 16, 2022 Marlon Purification 1808 views

Marlon PurificationNAGSUMITE ng motion to suspend proclamation sa Commission on Elections (Comelec) ang kampo ng natalong mayor ng Malabang, Lanao del Sur na si Al-Rashid Macapodi.

Sa petisyon ni Macapodi, sinabi nitong nagkaroon ng failure of election sa ilang presinto sa bayan ng Malabang dahil sa mga nangyari noong araw ng eleksyon na nagresulta pa sa pagkamatay at pagkasugat ng ilang katao.

Binanggit pa sa petisyon na ang mga naganap noong May 9 elections sa naturang bayan ay nasaksihan mismo nina Aminoden Macapodi at Aliya M. Tangcolo na kabilang sa mga tumatayong petitioner.

Nabatid na pinasok umano ng grupo ng kalalakihan ang ilang voting precints at kinumpiska nila ang ilang balota.

Bintang ni Macapodi, ang naturang grupo ay mga supporters ng kalaban niyang mayoralty candidate na si Dagar Balindong, bagay na itinanggi ng naturang kampo.

Dahil sa umanong insidente, natigil ang botohan.

Marami umanong botante ang umuwi at nagdesisyon nang huwag bumoto sa takot na madamay sa kaguluhan.

Ang eksenang ito ay nakunan ng video na naging viral din sa social media.

May kabuuan 7,878 ang mga botante sa mga apektadong presinto.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng Chinatown (POB) Precinct No. 0001A, 0001B, 0002A, 0003A, 0004A, 0004B, 0005A; Banday Precinct No. 0006A-0006B, 0007A, 0007B, 0008A, 0008B, 0009A, 0010A; Campo Muslim Precinct No. 0011A, 0011B, 0012A, 0013A, 0014A, 0015A, 0016A, 0017A, 0018A, 0019A, 0020A, 0021A; BPS Village Precinct No. 0022A-0027A; CORAHAB Precinct No. 0028A-0038A; Pasir Precinct No. 0039A-0044A, Bagoaingud Precinct No. 0078A-0079A; at Betayan Precint No. 0118A-0118D ng Barangay Campo Muslim sa Malabang, Lanao del Sur.

Sinabi ng petitioner na hindi masasabing maliit na insidente ang kanilang reklamo dahil boses ng mga residente sa Malabang, Lanao del Sur ang nakataya rito.

Kaya hiling nila Macapodi ay suspindihin muna ang proklamasyon para imbestigahan ang lahat ng sumbong ng karahasan.

Ang isang malaya, patas at malinis na imbestigasyon umano ang magiging daan upang maging credible ang naganap na halalan sa kanilang lugar, ayon pa kay Macapodi.

Ayon pa sa petisyon ni Macapodi, ang paglalagay sa bayan ng Malabang sa ilalim ng Comelec control ay hindi naging sapat upang mapigilan ang naganap na karahasan.

“Considering the seriousness of the allegation, there is a need to immediately suspend the proclamation of the respondent Balindong. And in the event that the respondent was already proclaimed, then to immediately annul the proclamation,” ayon pa sa mosyong inihain ni Macapodi.

“The petitioner is willing to put up a bond to answer for the damages that may be caused by this petition in the amount that may be determined by this Honorable Commission,” sabi pa nito.

Sa ganang akin, dapat lang na dingging mabuti ang petisyon nina Macapodi.

Mabuti na rin na magkaroon ng malayang imbestigasyon na pangungunahan ng Comelec dahil kapag minadali ang proklamasyon, baka lalo lang ito magdulot ng matinding tensiyon sa bayan ng Malabang.

Pabor tayo na ipagpaliban ito pansamantala hangga’t hindi nadidinig nang husto ang reklamo ng isang partido.

Umaasa tayong gagawin ito ng Comelec.