Default Thumbnail

Programang SIKAT Technology Business Incubator, inilunsad sa BPSU

April 3, 2023 Christian D. Supnad 169 views

BALANGA CITY, Bataan– Inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang programang SIKAT Technology Business Incubator o TBI sa Bataan Peninsula State University o BPSU.

Ang SIKAT o Synergizing Innovation and Creativity through Cultural Knowledge, Artistry, and Technology TBI ay programa ng DOST na layong pagsamahin ang academe, gobyerno, at mga industriya upang mapaigting ang startup ecosystem sa bansa sa tulong ng siyensya, teknolohiya at inobasyon.

Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. ang importansya ng siyensya, teknolohiya, inobasyon, at pagnenegosyo sa pagsigla ng ekonomiya kung kaya’t mahalaga na nabibigyang suporta at pondo ang bunga ng mga pananaliksik ng mga mag-aaral at guro upang ito ay makatulong sa pag-unlad ng ekonomiya, makapagbigay ng trabaho, at makatulong sa productivity at processes ng mga industry player.

Pinuri rin niya ang pagsasagawa ng Spark Kagitingan Summit na layong pagsamahin ang iba’t-ibang higher educational institution, mag-aaral, guro, at iba’t-ibang ahensya ng gobeyerno upang isulong ang larangan ng siyensya at mabigyang pansin ang paghubog sa kakayahan ng mga batang innovator sa Bataan.

Ang pagkakaroon ng innovation hub sa lalawigan ay naka-angkla sa layunin ng DOST sa pagsulong ng human well-being; wealth creation; wealth protection; at sustainability upang makamit ang hangarin ng bawat Pilipino.

Samantala, nagpasalamat si BPSU President Greg Rodis sa pagbibigay sa kanila ng oportunidad upang maging instrumento sa pagsulong ng agham, teknolohiya at inobasyon sa Bataan.

Nangako si Rodis na kaisa ng pamahalaang panlalawigan ang pamantasan sa pagkakaroon ng inclusive at sustainable development na magbibigay pansin at suporta ang mga kabataang nais magpatuloy sa larangang ito.

Ang unibersidad ang ika-59 sa buong bansa na natulungan ng DOST na magkaroon ng sariling TBI.