Batangas

Programa sa mga bata pag-ibayuhin–Batangas City mayor

June 28, 2024 Jojo C. Magsombol 60 views

BATANGAS CITY–Hiniling ni Mayor Beverley Dimacuha noong Huwebes sa pagpupulong ng City Nutrition Council na pag-ibayuhin ang implementasyon ng mga programa para masiguro ang kalusugan ng mga bata.

Ayon kay Mayor Dimacuha, itinuturo na dapat sa pagbubuntis pa lamang ng mga ina ang wastong nutrisyon, paghahanda ng masustansyang pagkain para sa kanilang mga anak.

Ipinaalaala rin ng mayor na turuan ang mga bata na laging maghugas ng kamay hindi lang bago at pagkatapos kumain lalo’t higit pagkatapos gumamit ng banyo.

Sinabi naman City Nutrition Officer Eva Mercado na patuloy ang kanilang isinagawang mga lecture ukol sa wastong nutrisyon sa mga barangay, paaralan at maging sa Early Child Care Development Center (ECCDC).

Nakikipag-ugnayan rin sila sa mga ito para sa iba pang nutrition activities at maging sa pagsasagawa ng deworming ng mga bata.

Ipinaalam din ni DepEd school nurse Marianne Medina na nagkaroon sila ng 120-day feeding program noong nakaraang school year.

Nakatakda namang isagawa sa pagbubukas ng klase ang 175-day feeding program para sa mahigit 5,000 mag-aaral na kabilang sa wasted at severely wasted status.

Iminungkahi ni City Administrator Engr. Sonny Godoy na magsagawa rin ng nutrition seminar para sa magulang at magbuo ng mga estratehiya para mahikayat ang mga bata na kumain ng prutas at gulay .

Samantala, tinalakay rin sa naturang pagpupulong ang Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) ng Batangas City.

AUTHOR PROFILE