Sherwin Gatchalian

Problema sa bawal na kalakalan aksyunan–Gatchalian

August 27, 2023 Camille P. Balagtas 469 views

HINIMOK ni Sen. Win Gatchalian ang pamahalaan na tugunan ang problema ng bawal na pangangalakal para makakolekta ng mas maraming buwis ang gobyerno at madagdagan ang kita sa kabila ng mahigpit na pagba-budget.

“Kailangan ng gobyerno na makabuo ng planong tutugon sa bawal na pangangalakal,” sabi ni Gatchalian sa economic team ng executive department sa briefing ng Development Budget Coordination Committee sa Senado ukol sa 2024 national budget.

Sa kaso ng industriya ng tabako, tumaas mula 10.8% noong 2018 hanggang 16.7% noong 2022 ang mga ibinentang sigarilyo mula sa illicit trade o ipinagbabawal na kalakalan. Inaasahang tataas pa ang figure na ito ngayong taon sa 18.5% o katumbas ng P30 bilyon.

Nauna nang idiniin ni Gatchalian na sa halip na magpataw ng mga bagong buwis, kailangang pagbutihin muna ng mga ahensyang nangongolekta ng buwis tulad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) ang tax administration dahil hindi magandang senyales ito para sa mga tumutupad sa kanilang obligasyon sa gobyerno.

“Kapag nagtaas tayo ng buwis at hindi naman maayos ang pangongolekta ng buwis, parang pinaparusahan na rin natin ang mga nagbabayad ng buwis.

Kailangan nating tugunan ang ipinagbabawal na kalakalan o napakahirap na bigyang katwiran ang mga bagong buwis dahil may mga taong kumikita ng bulyun-bilyon kada taon dahil lang sa ipinagbabawal na kalakalan,” sabi ni Gatchalian.

Binigyang-diin din niya na bagama’t lubos niyang sinusuportahan ang layunin ng pagtaas ng koleksyon ng kita, dapat magpatibay ng mga mekanismo na magbabawas, kung hindi man tuluyang hihinto, sa ipinagbabawal na kalakalan.

Iminungkahi ni Gatchalian na dapat kunin ng mga collecting agencies ang suporta ng iba’t ibang local government units (LGUS) sa pagsasagawa ng kampanya laban sa kalakalang ipinagbabawal ng pamahalaan.