Magi

Prinsipyo ng Political Belonging

June 1, 2024 Magi Gunigundo 502 views

SINABI ni Chief Justice Warren ng Amerika na ang pagiging mamamayan ng isang bansa ang karapatan na saligan ng mgakarapatan. Maliwanag sa Konstitusyon ng Pilipinas na tanging mamamayang Pilipino lamang ang mayroong karapatang politikal-maaaring bumoto at maiboto sa halalan (nasyonal, lokal, barangay at Sangguniang Kabataan), mag-may-ari ng lupa sa Pilipinas, at magpetisyon sa pamahalaan para tugunan ang mga hinaing nito. Maliwanag sa Panatang Makabayan na taglay dapat ng isang mamamayan Pilipino sa kanyang puso, isip at gawa ang katapatan sa Pilipinas na bukod pa sa pagiging tahanan ng kanyang lahi, ay kinukupkop at tinutulungan siya.

Kinikilala ng modernong batas ang tatlong paraan ng pagkakaroon ng pagkamamamayan:1) jus sanguinis- pagtatamo ng pagkamamamayan batay sa relasyon sa dugo; 2) jus soli – pagkuha ng pagkamamamayan batay sa lugar na sinibulan ;3) naturalisasyon – legal na kilos ng Estado sa pag-ampon ng dayuhan at pagsuot sa kanya ng pribilehiyo ng isang katutubong ipinanganak na mamamayan nito. Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay sumusunod sa jus sanguinis, at sa mga kuwalipikadong dayuhan, naturalisasyon.

Sa jus sanguinis, Pilipino ka kung isa sa iyong mga magulang ay Pilipino kahit na ipinanganak ka pa sa ibang bansa. At nananatili kang dayuhan kahit na sa Pilipinas ka pa ipinanganak kung ang iyong ama at ina ay hindi mamamayang Pilipino. At kung ikaw naman ay isang “foundling” o isang sanggol na napulot sa ano mang lugar sa Pilipinas at hindi kilala kung sino ang mga magulang, Pilipino ka rin ayon sa desisyonng Korte Suprema (Poe-Llamanzares, Vs. Comelec and Estrella C. Elamparo, [ G.R. No. 221697, March 08, 2016]). Ito ang dahilan bakit napakahalaga ng pagkamamamayan ng nanay ng punong bayan ng Bamban, Tarlac.

Lumalabas sa hurisprudensya na kay daming mga desisyonng Mataas na Hukuman na pinapatunayan ang teorya na pagdating sa tanong ng pagkamamamayan, nakakiling ang mga tribunal sa taong ipinamamaraling Pilipino siya sapagkat kung ipagkakait ito sa kanya, sapilitan siyang mahihiwalay sa kanyang pamilya dito sa Pilipinas at mapupuwersa siyang manirahan sa isang bansa na mayroon naiibang ugali, paniniwala, kultura at wika. Ito ang prinsipyo ng “political belonging” (Tranquilino Roa v Collector of Customs, GR # L-7011, October 30,1912, 23 Phil 315, na nakasandal sa US v Wong Kim Ark , 169 U.S.649).

Noon pa man nakaraang siglo, sensitibo ang usapin ng pagiging mamamayang Pilipino. Sa panahon ng Kastila, walang terminong “mamamayang Pilipino” sapagkat lahat ng naninirahan sa teritoryo ng Kaharian ng España ay mga “Spanish subjects.” Nang ipatupad ang Civil Code of 1889, parehong jus sanguinis at jus soli ang paraan ng pagiging alagad ng España. Sa pagbebenta ng España sa Pilipinas sa Treaty of Paris na nagkabisa noon Abril 1899, ang mga alagad ng España sa Pilipinas ay kinilalang mga Pilipino na papangalagaan ng Amerika. Naglabas ng Philippine Bill of 1902 para linawin na ang mga ipapanganak sa Pilipinas na teritoryo ng Amerika ay hindi mamamayang Amerikano. Ang doktrina ng jus soli na umiiral sa Amerika ay hindi paiiralin sa Pilipinas.

At dahil nais panatiliin sa kamay ng mga Pilipino ang yaman ng bansa na maaaring ubusin ng mga Hapon at Tsino na magkakaanak sa Pilipinas (Felicisimo San Luis, The Rule of Jus Soli in Philippines, 20 Phil L.J. 356 [1940-41]], malinaw sa 1935 Konstitusyon na jus sanguinis lamang ang paraan upang maging mamamayang Pilipino. Nakatatak sa isipan ng mga delegado ng kumbensyon na walang katiyakan sa katapatan ng mga banyaga na may mga sariling Emperador at hindi nakikitaan ng pagpapahalaga sa mga institusyong Pilipino tulad ng demokrasya at diwang Pilipino na nakasandig sa Kristiyanismo. Mawawasak ng mabilis ang bansa kapag ang mga mamamayan ay nakababad sa mga hindi nasipsip na mga sangkap ng pagiging isang mamamayan nito (Singco, Philippine Government and Political Law, p.344, 5th ed.)

Malaki ang duda kung tahanan nga ba ng lahi ng kasalukuyang Punong Bayan ng Bamban, Tarlac ang Pilipinas. Kung makukumbinsi niya ang hukuman na pairalin ang prinsipyo ng “political belonging”, baka maisalba siya.

AUTHOR PROFILE