
PPA kinuyog sa pagtaas ng taripa
USAP-USAPAN ngayon sa social media ang interview ni veteran journalist Erwin Tulfo kay Philippine Ports Authority (PPA) general manager Atty. Jay Daniel Santiago hinggil sa umano’y hindi makatarungang pagtaas ng taripa na isa rin sa itinuturong dahilan kung bakit lalong magtataas ang presyo ng bilihin.
Tinira ng mga netizens ang katwirwn ni Santiago na hindi makaaapekto sa anumang presyo ng bilihin ang pagtaas ng taripa.
Sa interview na isinagawa noong noong Pebrero 22, ipinangako ni Santiago na rerepasuhin nila ang taas ng taripa at tutugunan ang nangyayari sa mga apektadong lokasyon.
Ngunit ayon sa mga netizens, minamadali umano ng PPA ang pag-bid-out sa mga kontrata para sa ilan pang pantalan bago matapos ang termino ng Duterte administration.
Binuksan na sa bidding ang pantalan ng Tagbilaran at Masao, kung saan ang minimum concession fee ay nakatakda sa P1.712 bilyon at P149.9 milyon, ayon sa pagkakabanggit.
Dahil dito, asahan na ang pag-alma ng taumbayan sa Bohol at Agusan del Norte hinggil sa napipintong papatupad ng taas-taripa oras na umahon ang bagong port operator tulad ng nangyari sa Tacloban, Puerto Princesa at iba pang mga lugar sa Pilipinas.
Hiling ng taumbayan, itigil muna ang taas-taripa na bitbit ng bagong operator, ngayong ang bansa ay hindi pa rin nakababangon sa epekto ng pandemya.
Sa naturang interview, ipinagdiinan ni Santiago na ang ipagbabago ng presyo ng prime commodities na karaniwan ay pagkain, halimbawa ang isang sako ng bigas, ay mula isang sentimo hanggang singko sentimos lang, at hindi maaaring maiugnay sa taripa sa pantalan.
Marami ang hindi naniniwala rito dahil kung susuriin ang itinaas ng taripa, halimbawa sa Tacloban, na umakyat ang taripa kada sako, mula sa P4.85 hanggang P7.28 sa bigas, mula P3.98 hanggang P7.28 sa asukal, at mula P2.24 hanggang P3.64 sa harina, simula ng pumalit ang bagong port operator.
Ito ay ayon mismo sa Philippine Chamber of Commerce Tacloban-Leyte na inihambing ang luma at bagong taripa sa pantalan.
Sa non-prime commodities katulad ng feeds at fertilizer, tataas ang taripa ng 411%. Ang semento ay tataas ng 571%. Tataas din ang tinatawag na line charges na ang ibig sabihin ay ang mooring at unmooring.
Dahil sa tinaasang taripa, ang bagong operator ay kikita umano ng P365 milyon, kumpara sa napalitang operator na ang dating kita umano ay P122 milyon lamang.
Sinabi ng PCCI, wala namang gagastusin sa imprastuktura ang bagong operator para makapag-sagawa ng maayos na trabaho dahil andun na ang lahat ng pangangailangan.
Ani pa ni Santiago, ang taas ng taripa ay base sa Consumer Price Index ng mga nakaraang taon. Ayon sa mga netizens, hindi niya pinaliwanag kung bakit ang pagtaas ng taripa ay umaabot ng 400% sa Tacloban at 700% sa Puerto Princesa, nang hindi naman umakyat ang mga presyo ng bilihin nang ganung kataas.