Bong

Pondo sa mental health program, dagdagan – Bong Go

November 18, 2023 People's Tonight 415 views

HINILING ni Sen. Bong Go sa debate sa plenaryo para sa 2024 budget ng Department of Health (DOH) noong madaling araw ng Miyerkules na dagdagan ang pondo para sa mental health programs ng bansa.

Chairperson ng Senate committee on health, binuksan ng senador ang kanyang interpelasyon sa isang pagtatanong tungkol sa kasalukuyang estado ng mental health coverage sa ilalim ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

“How much is the current PhilHealth coverage for mental health cases? Do they have outpatient coverage? What is the plan of PhilHealth for the benefit packages for mental health cases and consultation?”

Iginiit ang kahalagahan ng mental health, sinabi ng senador na hindi dapat kalimutan ang sapat na pondo para rito lalo na sa panahon ngayon na maraming krisis na kinakaharap ang ating mga kababayan.

Sa panig ni Senador Pia Cayetano, senior vice chairperson ng Senate committee on finance, pinagtibay niya na may inilaang budget para sa mental health, nagkakahalagang P4.77 bilyon.

Sumasaklaw ito inpatient at outpatient services.

Binigyang-diin ang mga alokasyon ng badyet para sa mental health, sinabi ni Go na “Noong 2023, P1.9 bilyon ang kasama sa budget para sa mental health program ng DOH. Sa 2024 National Expenditure Program (NEP), ang proposed budget ay P683 milyon.

Ayon kay Go kailangang lalo pang pagbutihin at palawakin ang mga programa sa kalusugang pangkaisipan.

“Sana po’y madagdagan ang budget para sa mental health,” ani Go.

Itinutulak ng senador na maipasa ang kanyang panukalang Senate Bill No. (SBN) 1786 na layong atasan ang mga public higher education institutions (HEIs) na magtatag ng Mental Health Office sa mga kampus.

Aatasan din ang mga institusyong pang-edukasyon na itaas ang kamalayan sa mga isyu ng mental health, magbibigay ng suporta at serbisyo sa mga indibidwal na nasa panganib, at access sa pasilidad sa pamamagitan ng pagbuo ng mga mekanismo upang higit na bigyang kapangyarihan ang mga institusyong pang-edukasyon sa pagtataguyod ng mental health ng mga mag-aaral.

AUTHOR PROFILE