
Polisiya vs office chismis, bullying isinusulong
BINIGYANG diin ng OFW Party-list Group sa Kamara de Representantes na kailangan sa loob mismo ng isang opisina ay magpatupad ng mahigpit na patakaran laban sa “office bullying” katulad ng pagkakalat ng fake news, harassment, pagkakalat ng chismis, paninira o character assassination at iba pa.
Ipinaliwanag ni OFW Party-list Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino na wala pang umiiral na batas o panukalang batas na nakahain sa Kamara de Representantes laban sa “office bullying.”
Gayunman, sinabi ni Magsino na habang wala pang umiiral na batas, upang mabigyan ng proteksiyon ang lahat ng empleyado na nakararanas ng pambu-bully sa loob ng isang opisina, kailangang magpatupad ang management ng isang tanggapan ng mga polisiya para sa kapakanan ng kanilang mga empleyado.
Iginiit ni Magsino na ang pagpapatupad ng polisiya o patakaran sa loob ng isang opisina ay nagbibigay aniya ng malinaw na batayan at pamantayan upang magkaroon ng respeto ang isang empleyado sa kaniyang kasamahan at maiwasan ang “unfriendly environment” sa loob ng isang tanggapan.
Sinabi pa ni Magsino na ang patakaran o polisiya na ipatutupad sa loob ng isang opisina ay kinakailangang naka-angkla o naaangkop sa batas na ipinatutupad ng gobyerno, partikular na ang Anti-Sexual Harassment Act o Republic Act (RA) No. 7822 at Safe Space Act o RA 11313.
“Wala pa tayong batas laban sa workplace bullying subalit may mga panukalang nakahain na tungkol dito. Habang wala pang umiiral na batas, kinakailangang balutin ng polisiya ang isang opisina laban sa bullying,” ayon kay Magsino.
Ayon pa sa kongresista, bilang kinatawan ng OFW Party-list Group, nais din nitong matiyak na hindi lamang sa Pilipinas maipapatupad ang mga batas laban sa office bullying,” kundi para rin sa mga overseas Filipino workers (OFW) na nakararanas din ng matitinding bullying sa kanilang mga amo sa ibang bansa.
“Nais din natin na ang ganitong pagsisiguro para sa isang ligtas at professional na work environment ay hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa lahat ng bansa kung saan nagta-trabaho ang ating mga OFWs. Lalo na at bilang ‘minority,’ sila ay vulnerable sa bullying at harassment sa kanilang work place,” dagdag pa ni Magsino.