Yosi

PNP umaksyon na

May 3, 2023 People's Tonight 435 views

MARAMI ang nagsasabing walang buting dulot ng paninigarilyo o paggamit ng vape o e-electronic cigarette products, lalo na sa mga estudyante at kabataan.

Hindi lang ang mga magulang, guro, school officials at church/community leaders ang tutol na tutol sa paggamit ng mga menor de edad at estudyante sa mga produktong ito.

Pati nga ang bagong liderato ng Philippine National Police (PNP) ay nangakong lalo pa nilang paiigtingin ang kampanya laban sa pagbenta at paggamit ng vapes.

Sinabi ni PNP chief Gen Benjamin C. Acorda Jr. na makikipag-ugnayan sila sa mga magulang at school officials para istriktong maipatupad ang Republic Act (RA) No. 11900.

Ang RA 11900 ay nagbabawal sa pagbenta, promotion, advertising at product demonstration” ng vaporized nicotine o non-nicotine products malapit sa mga paaralan.

Kasama din sa prohibition ang ibang places o facilities na paboritong puntahan ng mamamayan, partikular na ang mga menor de edad at mag-aaral.

Pero nilinaw ni PNP spokesman Col. Redrico Maranan na ang mga menor de edad at estudyanteng mahuhuling lumalabag sa RA 11900 ay hindi aarestuhin o parurusahan.

Kasama ang mga guro at magulang, pagsasabihan lang ng mga pulis ang mga law violator na ito kung bakit masama sa kalusugan ang paninigarilyo at paggamit ng vapes.

Tama ang pambansang pulisya. Hindi na kailangang arestuhin at ikulong pa ang mga batang lumalabag sa RA No. 11900, partikular na ang mga menor de edad.

Ang kailangan lang ay itanim sa mga utak nila ang masamang epekto ng paninigarilyo at paggamit ng vape.

AUTHOR PROFILE