
PNP sa gun owners: Dapat responsable kayo
MULING pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng gun owners na laging isaalang-alang ang responsableng paghawak ng armas dahil tiyak na mare-revoke ang lisensya nito ng panghabang-buhay sakaling masangkot sa krimen gamit ang baril.
Ang babala ipinarating ni PNP chief General Rommel Francisco D. Marbil matapos ang road rage sa Antipolo City noong Linggo na nauwi sa pamamaril at nagresulta sa pagkamatay ng isang ama at pagkasugat ng kanyang anak at dalawa pa.
Batay sa datos ng PNP mula Enero 12 hanggang Marso 30, 2025, umabot na sa 2,056 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa gun ban.
Dahil sa patuloy na pagdami ng mga paglabag, isinulong ni Gen. Marbil ang mas mahigpit na parusa para sa mga iresponsableng gumagamit ng baril.
Kanyang iminungkahi ang panghabambuhay na diskwalipikasyon sa pag-renew ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Firearm Registration para sa mga sangkot sa firearm-related offenses.
Inirekomenda rin niya ang pagbawi ng LTOPF at rehistro ng baril upang matiyak na hindi na sila muling makakapagmay-ari ng armas.
“Ang pagmamay-ari ng baril isang pribilehiyo at hindi karapatan.
Ang sinumang aabuso sa pribilehiyong ito at maglalagay sa peligro sa kapwa mahaharap sa buong bigat ng batas.
Election period man o hindi, dapat nating panatilihin ang responsableng paggamit ng baril upang maiwasan ang walang saysay na karahasan,” ani Gen. Marbil.
Dagdag pa niya, dapat laging pairalin ng mga gun holders ang pasensya at disiplina lalo na sa tensyonadong sitwasyon. Aniya, kailanman hindi dapat magpadala sa galit kapag may dalang baril.
Nanawagan ang PNP sa lahat ng gun owners na sumunod sa mga regulasyon sa pagmamay-ari ng baril at mag-ingat sa paggamit nito.
Mahigpit ding binabantayan ng mga awtoridad ang mga lumalabag at hinihikayat ang publiko na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa PNP hotline at opisyal na social media accounts ang anumang kaso ng ilegal o mapanganib na paggamit ng baril, sabi ni PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf T. Tuaño.