Maranan

PNP: Police body cams 2.7K lang, 45K pa kailangan

August 20, 2023 Zaida I. Delos Reyes 232 views

LIMITADO lamang at ngayon ay mayroon lamang 2,700 police officers ang mayroong body-worn cameras sa Philippine National Police (PNP).

Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office (PIO) chief Police Brig. Gen. Red Maranan.

Aniya, ang PNP ay nangangailangan ng 45,000 piraso ng body cameras na gagamitin upang mai-record ang mga police operations tulad ng paghahain ng search o arrest warrants.

“Medyo kulang tayo sa ngayon sapagkat ang requirement natin diyan ay something like 45,000 ang body-worn cameras. Ngayon, mayroon lamang tayong 2,700. Very, very limited ‘yung mga pulis natin na may issued na body cameras,” paliwanag ni Maranan.

Target aniya ng PNP na bumili ng mas maraming body cameras sa susunod na taon at humiling na umano sila ng pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM) para dito.

Ang pahayag ay ginawa ni Maranan kasunod ng ulat na hindi nagamit ng mga pulis ang kanilang body cameras nang mapatay ng mga ito sa operasyon ang 17-anyos na si Jemboy Baltazar sa Navotas City.

“Napatunayan nga natin na ‘yung pulis na may body camera na naka-issue sa kanya, ay hindi niya nagamit o hindi niya nabuhay. Ang sinasabi niya ay nawalan ng baterya pero hindi ‘yun katanggap-tanggap na dahilan sapagkat being a responsible officer, dapat ‘pag ginamit ang iyong body camera, dapat full charged talaga kapag nag-start ka ng duty,” pahayag ni Maranan.

Matatandaang, si Baltazar ay napatay nitong August 2, matapos na mapagkamalang murder suspect na mga pulis.

Ayon sa Northern Police District (NPD), bigo ang mga pulis na sangkot sa krimen na magbigay ng video footage ng operation para makatulong sa imbestigasyon.