
PNP may person of interest sa bigong pagpatay kay Oaminal
MAY “person of interest” na ang Philippine National Police (PNP) sa sablay na pagpatay kay Misamis Occidental Gov. Henry Oaminal noong nakaraang linggo.
Tumanggi muna si PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na magbigay ng dagdag impormasyon kung sino ang sinasabing “person of interest.”
Sinabi ni Fajardo na isang sasakyan ang namataan sa Barangay Lapasan sa Clarin, Misamis Occidental bago maganap ang pagpapasabog ng improvised explosive device (IED) sa dumadaang convoy ng gobernador noong October 15.
Pauwi na ang gobernador sa Ozamiz City mula sa isang pagpupulong nang maganap ang pagpapasabog.
Walang nasaktan sa convoy ng gobernador pero dalawang sasakyan sa convoy ang nagtamo ng mga damage mula sa pagsabog.
Sinabi din ni Fajardo na may traces ng ammonium nitrate ang IED at cellphone ang ginamit na control para sumabog and IED.
Hindi rin inaalis ng mga imbestigador ang posibilidad na politically-motivated ang tangkang pagpatay sa gobernador.
Iyon ang pangalawang pagtatangka sa buhay ni Oaminal.
Kaugnay nito, inatasan ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang lahat ng police commanders sa lalawigan na makipag-ugnayan sa mga local chief executives na may mga banta sa buhay para mabigyan ng seguridad.