
PKP, hindi magpapakampante kahit mataas ang numero sa surveys
SA kabila ng resulta ng mga research surveys na nagpapakita na nasa “winning circle” na ang Pamilya Ko Partylist (PKP), walang plano ang grupo na magpaka-kampante sa pangangampanya lalu na’t painit na ng painit ang nalalapit na halalan.
Ayon kay Atty. Anel Diaz, ang 1st nominee ng PKP, lalung pinasigla ng resulta ng mga surveys ang kanilang grupo kaya’t puspusan na ang ginagawa nilang pangangampanya lalu na sa nalalabing tatlong linggo na lamang, pagkaraan ng Semana Santa.
“Hindi dapat na maging complacent tayo kundi lalu tayong maging pursigido sa pangangampanya, lalu na kumbaga, papasok na tayo sa last two minutes, saka na tayo magpahinga after May 12,” pahayag ni Diaz sa isang panayam.
“Dapat, mas lalu tayong mag-double time kasi pag gumanda ang numbers natin, ang next stage niyan, to make sure ma-keep natin yan na hindi bababa, dapat ang trajectory natin ay paakyat so in fact nakakadagdag ng pressure pa yun,” dagdag pa niya.
Sa ngayon aniya, nakapag-ikot na sila sa 15-probinsiya sa Luzon, Visayas, at Mindanao bagama’t matapos aniya ang Semana Santa, muli nilang susuyurin ang mga malalaking lalawigan sa Mindanao simula Abril 22.
Nagpasalamat din ang PKP sa mainit na pagtanggap sa kanila ng mga lokal na opisyal ng mga napuntahan nilang mga bayan at lungsod sa iba’t-ibang rehiyon bagama’t hindi nila inaasahan na makukuha ang buong suporta ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan lalu na’t may mga regional partylist na tumatakbo sa kani-kanilang lugar.
“Ang mahalaga sa amin, they keep it on open playing field, kung baga, hindi naman po kami pinapahirapan, they welcome us at pinapayagan kaming manganpanya at ipahayag sa mga tao ang aming plataporma, para sa amin, malaking bagay na po iyon,” ang nasisiyahang pahayag ni Atty Diaz.