Tolentino Senate Majority Leader Francis Tolentino

Pilot-testing ng internet voting ng OFWs suportado ni Tolentino

June 30, 2024 People's Tonight 45 views

INIHAYAG ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na suportado niya ang pagsisikap ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng pilot testing sa internet voting ng overseas Filipino workers (OFWs) para sa 2025 mid-term polls.

Sa kanyang morning radio program, ‘Usapang Tol,’ pinuri ng senador si Comelec chair George Garcia, na ipinaliwanag kung paano ipatutupad ng poll governing body ang internet-based voting sa unang pagkakataon sa halalan sa susunod na taon.

Kapwa umapela sina Tolentino at Comelec chief sa OFWs na magparehistro bilang overseas absentee voters bago ang deadline sa Setyembre 30.

Hiniling naman niya sa poll body na palakasin ang information dissemination campaign nito para turuan ang overseas Filipinos tungkol sa requirements at mechanics ng online voting.

“Online voting has been my advocacy for a long time because many Filipinos abroad are disenfranchised and deprived of the right to suffrage every election. I even wrote a book about this, and I am very happy that it will now be realized,” pahayag ng senador.

Binanggit niya ang naging problema ng mga Pilipinong marino na karamihan ay hindi nakaboto dahil madalas silang naka-duty sa dagat.

Sa kanyang bahagi, binanggit ni Garcia ang “operational difficulties” ng pagboto sa pamamagitan ng koreo dahil marami aniyang balota na nawawala o hindi natatanggap kaya bumabalik sa mga embahada ng Pilipinas at consular posts.

“Magandang balita ito para sa ating mga kababayan sa ibang bansa. Ang pagboto sa internet, na mahigpit na itinutulak ni Senator Tolentino, ay malapit nang magpahintulot sa ating OFWs na bumoto gamit ang kanilang cellphone, laptop, o tablet,” ani Comelec chair Garcia.

AUTHOR PROFILE