
Photolab ba ‘ika mo?
ATENSYON sa mga nahihilig sa photolab sa social media.
Huwag kayong magtataka kung isang araw, ang mga pinaganda at niretokeng ikaw ay profile picture na ng iba’t ibang tao sa iba’t ibang bansa.
Wala namang masamang mangarap na kuminis ang mukha or tumangos ang ilong, or makislap na mga mata. Mahal nga naman kasi kung magpapa-Belo ka pa or magka-Calayan or magpapa- Mang Kepweng kaya. Sa photolab, instant ganda at instant pogi ka na!
Kaya lang isipin nyong mabuti, sa oras na ibenandera mo na ang na-overhauled na ikaw, aba’y huwag ka rin magulat kung isang araw ay kahulan ka ng inyong alagang aso dahil hindi ka na niya nakilala. Or himatayin ang mga bago mong nakilala kapag nakita ka sa personal na ibang-iba ka sa nasa social media.
Maraming panganib ang photolab na sa tingin natin ay isang simple at harmless na katuwaan lang.
Kung pamilyar kayo sa mga troll farms, sila ang higit na nakikinabang sa “bagong ikaw” dahil nagagamit na nila ang kakaibang ikaw sa mga profile pictures sa pag-apply ng mga loan online, mga banking online applications at iba pang online transactions.
Hindi rin ako magtataka kung hindi lang iyong pinaganda at pinapoging pictures mo ang magagamit nila, pati na mismo ang iyong pangalan dahil published naman lahat ang tungkol sa iyo sa social media. Nasa FB mo rin naman ang mga kamag-anak mo, mga kaibigan mo, mga okasyon nyo, mga pinapasukan mo kaya sa mga susunod na araw, isang hubo’t hubad na AI na ikaw ang kakalat nang hindi mo namamalayan.
Ang totoo, may nagboluntaryong gumawa ng photolab ko at ipinadala sa aking messenger. Hayup, ang guwapo ko naman talaga, walang binatbat iyong orginal na ako. Parang lamang ng kalahating paligo sa orihinal na ako!
Personal file ko na lang iyon, hindi ko ginamit sa socmed dahil sa mga pag-aaral na magagamit ito ng sindikato sa marami nilang hanapbuhay.
Kunsabagay, kanya-kanyang gimik lang yan, walang basagan ng trip, ika nga.
Pero looking beyond the articial beauty, doon ka sa safety. Wala pa ring tatalo sa nag-iingat.
Ang problema ko ngayon dito sa photolab, ang dami kong kaibigan ang hindi ko nakikilala dahil sa kakaiba nilang hitsura.
Baka ma-unfriend nga lang nila ako kasi, ako na lang ang dating mukha!