Herlene Budol

Phone apps, dinelete ni Herlene sa tindi ng bashing

July 2, 2023 Vinia Vivar 404 views

Sa tindi ng bashings na kanyang pinagdaraanan, aminado si Herlene Budol na apektado na ang kanyang mental health.

Kaliwa’t kanang batikos ang natatanggap ni Herlene dahil sa isang pagkakamali niya ng sagot sa Q&A ng Miss Grand Philippines 2023 kung saan nga ay isa siya sa kandidata.

Sa interview kay Boy Abunda, ani Herlene, ngayon lang niya naranasan ang ganito karaming bashers. Kung anu-ano raw masasakit na salita ang ipinukol sa kanya kabilang na nga ang ‘bobo’ at ‘tanga.’

“Sabi ko nga sa kanila (bashers), ‘ang galing n’yong mang-bash, naapektuhan ako.’ ‘Yung mental health ko no’n tito, zero talaga,” sey ni Herlene.

Dahil sa masasakit na panlalait sa kanya, hanggang ngayon ay pinag-iisipan niya kung magba-back-out na lang siya sa pageant dahil sa tindi ng epekto sa kanya.

“Until now po, iniisip ko pa rin kung deserve ko pa rin po bang sumali after ng mga sinasabi sa akin ng mga tao.

“Tito, umabot po sa punto na hindi ho ako nakakatulog, hindi po ako makapag-cellphone, dinelete ko po lahat ng apps ko sa cellphone ko at hindi na rin ako kumakain din, ng two days ha!” pahayag ni Hipon Girl.

Mas matindi pa nga raw ang epekto sa kanya ng bashings ngayon kesa sa issue noon na nabuntis siya ni Willie Revillame.

“First time po kasi na ganu’n kadami. Dati ho kasi, naba-bash po ako, ‘uy nabuntis ka ni Kuya Wil,’ ganu’n lang ho, eh. Pero nae-explain ko naman kasi hindi naman po lumalaki ‘yung tiyan ko.

“Pero dito po kasi, hindi ko po maipagtanggol ang sarili ko kasi alam ko pong mali lahat ng sagot ko nga raw po,” saad niya.

Pinayuhan naman siya ni Boy na ituloy ang laban pero pag-isipan pa rin daw bago magdesisyon.

Mukhang itutuloy naman ni Herlene ang paglaban dahil gusto niyang ipakita sa detractors niya na karapat-dapat pa rin siyang maging inspirasyon.

AUTHOR PROFILE