Phivolcs

Phivolcs: ‘The big one’ paghandaan

August 20, 2022 Jun I. Legaspi 2163 views

AYON sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang anumang mga aktibong fault line na hindi nakabuo ng anumang makasaysayang surface-rupturing events ay may mas mataas na potensyal na bumuo ng isang malakas na lindol na maaaring magdulot ng malawakang pagkasira sa lugar na maaapektuhan nito.

Kamakailan lang ay ibinabala ng Office of the Civil Defense-Eastern Visayas na dapat tayo maging handa sa posibleng mangyaring malakas na paglindol dulot ng maaaring paggalaw ng pinakamalaking fault line sa bansa na matatagpuan sa Eastern Visayas; itinuturing ito ng PHIVOLCS na maaaring kasing lakas ng “The Big One” sa Maynila.

Ang mabilis na paggalaw ng isang fault line ay maaaring makabuo ng isang malakas na enerhiya na posibleng magdulot ng isang malakas na lindol.

Batay sa pag-aaral ng PHIVOLCS, kung ang lakas ng paggalaw ng Philippine Trench ay aabot ng magnitude 7 ay posible itong makapagdulot ng tsunami sa mga lugar na malapit sa Pacific Ocean, katulad ng mga lugar sa Eastern Visayas gaya ng Eastern Samar, Northern Samar, Leyte at Southern Leyte.

Kung ang paggalaw ay umabot naman sa 7.9 magnitude ay posibleng umabot sa 9 meters ang taas ng tsunami sa lalawigan ng Leyte, at maaaring maging kasing taas ng 3-storey building sa lalawigan ng Northern Samar.

Samantala, kung sakaling sa Dinagat Island at Samar mangyari ang paggalaw ng nasabing fault line ay tinatayang aabot sa 4-7 meters ang maaaring maging taas ng tsunami sa Leyte habang 8-9 meters naman sa Samar.

Sa ngayon, patuloy ang paghahanda ng ibat-ibang ahensya at mga lokal na pamahalaan sa maaring maganap na “The Big One” sa Eastern Visayas.

Ang isang paraan ng paghahanda ay ang regular na isinasagawang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill na nagtataguyod ng kamalayan at kahandaan sa lindol lalo na sa mga komunidad na posibleng tamaan nito.

AUTHOR PROFILE