Cacdac Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac

PH inaasikaso na pag-uwi ng labi ng 3 OFWs na namatay sa Kuwait

June 14, 2024 Jun I. Legaspi 98 views

KINUMPIRMA ng Department of Migrant Workers (DMW) na tatlong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nasawi sa sunog sa isang gusali sa Kuwait nitong Miyerkules, Hunyo 12.

Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac na ang tatlo ay namatay bunsod ng smoke inhalation.

Ang mga biktima ay kabilang sa 11 OFWs na nagtatrabaho sa Kuwaiti construction company sa gusali na naapektuhan ng sunog.

Dalawa pa sa mga OFW ang nananatili sa pagamutan at nasa kritikal na kondisyon habang ang anim na iba pa ay nasa ligtas nang kalagayan.

Inatasan na rin ni Cacdac ang Migrant Workers Office sa Kuwait (MWO-Kuwait) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Office na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Kuwait (PE-Kuwait) sa ilalim ni Ambassador Jose Cabrera para sa repatriation sa mga labi ng tatlong OFW.

Personal ding nakikipag-ugnayan si Cacdac katuwang si OWWA Administrator Arnell A. Ignacio sa pamilya at kaanak ng lahat ng 11 OFWs.

“We are in touch with the families of all the affected OFWs, including the families of those two in critical condition and the families of the three fatalities. Six of them are now safe and provided with their immediate needs. We will provide all the necessary assistance and support to the OFWs and their families in this difficult time as directed by the President,” pahayag ni Cacdac.

Iniulat ng mga awtoridad sa Kuwait na nagsimula ang sunog alas-4:30 ng madaling-araw noong Miyerkules (9:30 ng umaga dito sa Pilipinas) sa gusali kung saan matatagpuan ang housing at dormitory facility ng mga dayuhang manggagawa ng Kuwaiti construction company.

Iniulat din ng Kuwait Interior Ministry na kabuuang 49 katao ang nasawi sa sunog.

AUTHOR PROFILE