Default Thumbnail

PH ‘di magkakaroon ng constitutional crisis Constitutional crisis di mangyayari

April 3, 2025 PS Jun M. Sarmiento 138 views

IPINAHAYAG ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi niya hahayaang magkaroon ng krisis sa konstitusyon kasunod ng umano’y desisyon ni Sen. Imee Marcos na mag isyu ng subpoena sa mga opisyal na hindi dumalo sa pagdinig ng Foreign Affairs Committee.

Tinalakay ni Escudero ang umiigting na tensyon sa pagitan ng Senado at ng Ehekutibong sangay ng pamahalaan kaugnay ng paggamit ng isang mataas na opisyal ng gobyerno ng executive privilege.

Binigyang-diin ni Escudero na hindi kikilos ang Senado sa paraang maaaring makadagdag sa alitan sa pulitika o magbunsod ng krisis sa konstitusyon.

Sa halip na agad gumawa ng desisyon, sinabi niyang ipinasa niya ang usapin sa legal na pangkat ng Senado upang maiwasan ang pag-aakalang pansariling opinyon lamang ang magiging batayan.

Nagsimula ang kontrobersiya nang tumanggi ang isang opisyal ng Ehekutibo na dumalo sa isang pagdinig sa Senado at ginamit ang Executive Privilege—isang doktrinang konstitusyonal na nagbibigay-karapatan sa Ehekutibo na hindi maglabas ng impormasyon sa ilang sitwasyon.

Sinabi ni Escudero na kinatigan na ng Korte Suprema ang paggamit ng nasabing doktrina noon, kaya’t anumang tugon ng Senado kailangang nakabatay sa legalidad.

“Paano mo ipapatupad yan kung hindi sumasang-ayon ng Executive?” tanong ni Escudero, na tila nagbababala sa posibleng paglalabanan ng mga institusyon.

Binigyang-linaw rin niya na wala siyang nakikitang personal o institusyonal na alitan sa pagitan ng Pangulo at Senado.

“Wala ako nakikitang away sa pagitan nila,” saad niya, at inilarawan ang sitwasyon bilang bahagi ng normal na diskurso sa politika at legal na proseso sa bansa.

Kaugnay nito, tinalakay rin ni Escudero ang nakabinbing impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Ipinunto rin niya ang kaibahan ng naturang reklamo sa imbestigasyon ng International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“This is a case against the former president… I don’t see any reason how or why any evidence presented there would be relevant against the vice president unless she herself would be one of the respondents in that case,” paliwanag ni Escudero.

Bilang pagtatapos, sinabi ni Escudero na kakausapin ang mga kapwa senador at opisyal ng Ehekutibo upang ipaliwanag ang legal na dahilan sa likod ng mga hakbang ng Senado.