Default Thumbnail

PH Carabao Center nakatutok sa gov’t feeding program

September 3, 2023 Christian D. Supnad 185 views

NAKATUTOK ang Philippine Carabao Center (PCC) sa pag-abot ng demand para sa mga feeding program ng pamahalaan.

Katuwang ng ahensiya ang mga kooperatiba para matiyak ang suplay ng gatas para sa mga milk feeding program ng Department of Education at Department of Social Welfare and Development na may kaugnayan sa pagpapatupad ng Batas Republika Bilang 11037 o Ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.

Ayon kay PCC OIC-Executive Director Caro Salces, kabilang sa mga inisyatibo upang masiguro ang tuloy-tuloy na delivery ng gatas ng kalabaw ang pagkakaroon ng retort facilities mula sa mga magsasaka sa bansa.

Mayroon na aniyang napakikinabangang retort facilities sa Science City ng Muñoz, Nueva Ecija at sa Isabela, Batangas at Sorsogon.

Plano ring makapagpatayo sa Bohol at Zamboanga del Sur para makapagbigay ng serbisyo sa Visayas at Mindanao.

Kinabibilangan ng paggamit ng airtight packaging at heat processing para sa sterilization ang retort technology para sa sterilization.

Layunin din nito na mapahaba ang shelf life ng produkto para masiguro ang kalidad at ligtas na pagkonsumo nito kahit pa ibyahe sa malayong lugar.

Handa rin ang ahensiya na magtatag ng milk laboratory sa 12 regional centers sa buong bansa para ilapit at ialok sa mga mag-gagatas ang pagpapasuri ng kalidad ng mga produkto.

Kabilang pa sa mga tinututukan ng PCC ang pagsusulong ng National Dairy Herd Improvement System katuwang ang Korea International Cooperation Agency na hangad makatulong sa pagpapaunlad ng produksyon ng mga maliliit na magsasaka o nagsisimula pa lamang sa industriya.

Sa pamamagitan ng nabanggit na program, layunin na mapataas ang produksiyon ng gatas mula sa pagpaparami at wastong pangangalaga ng mga kalabaw.

Samantala, manggagaling sa mga kooperatiba na tinutulungan ng PCC ang 50 porsyento ng kailangang suplay ng gatas ng kalabaw para feeding program sa susunod na taon.

Magmumula naman sa mga kooperatiba na inaagapayanan ng National Dairy Authority ang natitirang kalahati.

Sa datos ng PCC, humigit 4.2 milyong undernourished na mga kabataan na ang nabenipisyuhan sa mga milk feeding program ng pamahalaan simula pa noong 2019.

Nasa 53 assisted cooperatives ng PCC ang natulungang mapataas ang kita sa ilalim ng nasabing programa at umabot na sa P2 bilyon ang kanilang naging kita.