
Pelikula ni Vic Vargas ire-remake ni Sen. Robin
SI Sen. Robin Padilla ang only choice ng producer/senatorial candidate na si Atty. Raul Lambino para sa binabalak niyang remake ng 1987 movie na “Hari sa Hari, Lahi sa Lahi.”
Ang naturang Fil-Chinese drama film, na dinirek nina Lili Chou, Eddie Romero at Lang Xiao, ay may orihinal na titulong “King and Emperor.” Pinagbidahan ito nina Vic Vargas, Rosemarie Sonora, Dan Alvaro at Xingang Wang.
Ayon kay Atty. Lambino nang makausap ng entertainment media sa Pandesal Forum ng Kamuning Bakery ni Wilson Lee Flores, ang “Hari sa Hari, Lahi sa Lahi” ay tungkol sa pagkakaibigan nina Sulu Sultan Paduka Pahala at China Emperor Zhu Di.
Pursigido raw ang mga kasama niyang Chinese producers na ituloy ang proyekto bilang pagpapaalala sa dating magandang relasyon ng ‘Pinas at Tsina ngayong may tumitinding territorial dispute ang dalawang bansa.
Pumayag na umano si Sen. Robin na gawin ang pelikula. Katunayan, dumayo pa ito sa China para alamin at pag-aralan ang kwento nina Sulu Sultan Paduka Pahala at Emperor Zhu Di.
Sa ngayon, inaayos na ang script ng “Hari sa Hari, Lahi sa Lahi” na bibigyan ng bagong approach na naaayon sa modernong panahon.
Sabi ni Atty. Lambino, “I’m being asked by the Chinese producers and talagang gusto nilang i-revive ‘yung pelikula. Tinanong nila ako kung sinong pwedeng the best na magbida sa pelikula at sinabi ko na si Sen. Robin Padilla. He will be the best to do this because, well, aside from being a good politician, he’s a multi-talented, awarded actor. And he is a Muslim. If there is one Filipino actor who understands ‘yung mga nangyari about Muslim, and Sen. Robin is also a very avid historical researcher, nag-aaral talaga.”
Impressed umano si Atty. Lambino sa lawak ng kaalaman ng mister ni Mariel Rodriguez kahit pa madalas maliitin ang mga politikong artista.
At dahil tatlo ang asawa ng Sultan sa pelikula, ipinauubaya na ni Atty. Lambino kay Sen. Robin ang pagpili ng magiging leading ladies niya sa film remake.
“Siguradong he will consult Mariel pagdating diyan,” paniniguro ng senatorial candidate na busy na rin sa pangangampanya para sa May elections.