
‘Pekeng’ Pilipino arestado sa Pasig

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa isang pinaghihinalaang pekeng Pilipino sa Pasig noong Abril 24.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, isang Chinese national na kinilalang si Lu Tianqu, 32, ang naaresto sa isang pinagsamang operasyon ng BI, Armed Forces of the Philippines (AFP), at National Bureau of Investigation (NBI) sa isang hotel sa Ortigas, Pasig.
Sinimulan ang pag-aresto matapos matanggap ng BI ang intelihensiya mula sa AFP na nagpapakita na si Lu ay nagpapanggap bilang isang mamamayang Pilipino sa iba’t ibang transaksyon sa bansa.
Natuklasan na si Lu ay gumagamit ng Philippine passport at Philippine driver’s license at nakarehistro bilang isang Pilipino. Bukod dito, natanggap ng BI ang ulat mula sa mga ahensyang pang-intelihensiya ng gobyerno na siya ay may ari ng isang financial holdings company na may 47 subsidiaries at 97 ari-ariang lupa, ang ilan dito ay malapit sa mahalagang pambansang imprastraktura.
Dahil dito, binabalaan ng gobyerno ang kanyang presensya at mga aktibidad bilang potensyal na banta sa pambansang seguridad.
Binigyang-diin ni Viado na bahagi ang operasyong ito ng mas malawak na kampanya ng gobyerno sa seguridad at pagpapatupad ng batas sa imigrasyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nag-utos sa lahat ng ahensya na manatiling mapagbantay sa pangangalaga sa soberanya ng Pilipinas.
“Ang sinumang nagpapanggap bilang Pilipino para makalusot sa ating mga batas ay may pananagutan,” ani Viado. “Sa direktiba ng ating Pangulo, pinalalakas natin ang pagbabantay sa mga banyagang nagtatangkang abusuhin ang ating mga sistema. Hindi tayo papayag na gamitin ang pagiging Pilipino bilang panangga sa iligal na gawain.”
Si Lu ay nakatakdang sampahan ng kaso para sa pagiging hindi kanais-nais sa bansa dahil sa maling pagpapakilala bilang isang Pilipino, sa kabila ng patuloy na paghawak ng Chinese passport at pagkakaroon lamang ng permanent resident visa na may bisa hanggang 2029 batay sa kanyang kasal sa isang Pilipina.
Mananatili siya sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang proseso ng deportasyon.