
PBBM nagdagdag ng 1.2K healthcare workers sa PGH upang masolusyunan ang kakulangan sa manpower
“Higit na makapagbibigay ng dekalidad na healthcare services sa mga pasyente nito lalo na sa mga Pilipinong higit na nangangailangan”
SA layuning mapahusay ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipinong umaasa sa Philippine General Hospital (PGH), nagpasya ang institusyon na kumuha ng humigit-kumulang 1,224 healthcare workers sa susunod na tatlong taon.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM) sa pondo para sa kahilingang inihain ng University of the Philippines-Manila, na nangangasiwa sa PGH, upang palakasin ang workforce nito.
Ang mga karagdagang posisyon ay bubuuin sa apat na bugso, na magsisimula sa first quarter ng 2025.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang pag-apruba sa budget ay mula sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na matiyak na ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan ay maabot ang mga higit na nangangailangan nito.
“Ito ay bilang tugon sa kahilingan ng UP-PGH na palakasin ang organizational at manpower capacity ng hospital upang higit na makapagbigay ng dekalidad na healthcare services sa mga pasyente nito lalo na sa mga Pilipinong higit na nangangailangan,” pahayag ni Pangandaman.
Idinepensa rin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro ang karagdagang mga tauhan, binigyang-diin na ang PGH ang pangunahing pagpipilian ng serbisyong pangkalusugan para sa maraming mahihirap na Pilipino.
Binanggit ni Castro na ang karagdagang mga tauhan ay naglalayong mapabuti ang pangangalaga ng pasyente at masiguro ang mas mabilis na medikal na atensiyon para sa mga humihingi ng paggamot.
“Alam naman po natin na napakarami pong mga Pilipino ang talagang pumupunta sa PGH dahil po ito’y nakakapagbigay ng magandang serbisyo at maaari pong napakaliit na kanilang babayaran kapag po sila ay pumunta sa PGH,” ani Castro.
Ang PGH ay isang Level III general hospital na may kapasidad na 1,334 kama, na nagsisilbing tahanan sa mahigit 600,000 pasyente bawat taon.
Matagal nang nanawagan ang iba’t ibang stakeholder para sa pagtaas ng budget allocations para sa PGH at iba pang pampublikong ospital upang matiyak ang abot-kaya at maaasahang medikal na paggamot sa buong bansa.
Noong Marso, inihayag ng Department of Health (DOH) na umabot na sa buong kapasidad ang emergency room ng PGH, dahilan upang humiling ang ahensiya na pansamantalang tumanggap ang iba pang ospital ng karagdagang pasyente.