BBM1 Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Gerald Dequina, ang kanyang dating political officer

PBBM dinepensahan sa mga patutsada

April 21, 2024 Camille P. Balagtas 102 views

MARIING pinabulaanan ng dating political officer ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na si Gerald Dequina ang mga akusasyon at patutsada sa Punong Ehekutibo gayundin sa kanyang maybahay na si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.

Sinabi ni Dequina na maliwanag na paninirang puri ang ganitong mga pahayag.

Ayon kay Dequina, pinili niyang magsalita upang ilahad sa taumbayan na matagal umano siyang nakasama ni Pangulong Marcos gayundin ng kanyang asawa sa iba-ibang pagkakataon, at napaka-imposible aniyang gumagamit ito ng pinagbabawal na gamot gaya ng mga pinalalabas ng kanyang mga kalaban.

Inilahad ni Dequina na halos 18 oras silang magkakasama ng halos araw-araw ni Pangulong Marcos, kung saan ay puro trabaho aniya ang kanilang pinagtutuunan ng pansin.

Ikinuwento rin ni Dequina na palagian din siyang kasama ng Pangulong Marcos sa tuwinang mag-out of town ito at pumunta sa iba-ibang lugar na kung minsan ay umaabot pa ng dalawang linggo na derecho.

“Imposibleng sa loob ng apat na taon ko nakatrabaho ang Pangulo ay hindi ko malalaman ang bagay na iyon. Kasama niya akong nagtatrabaho at nagsisilbi sa taong bayan,” giit ni Dequina.

Ikinuwento rin ni Dequina kung gaano kasensitibo ang Pangulong Marcos sa amoy ng usok ng sigarilyo, kung saan ay nanindigan siya na walang katotohanan ang ganitong kababang uri ng paninira dahil usok nga lamang ng sigarilyo ay hindi na kinakaya ng pangulo.

“Walang katotohanan ‘yan dahil maging ang usok ng sigarilyo ay ayaw na ayaw maamoy ng Pangulong Marcos. Droga pa kaya?” paglalahad ni Dequina.

Binigyang-diin din niya na sa kanilang buong pagsasama ng Pangulo ay hindi niya ito nakitang gumagamit ng anumang iligal na droga.

Si Dequina ay nagsilbing political officer kay Pangulong Marcos simula noong ito’y naging senador hanggang ito’y tumakbong bise presidente ng bansa.