
Patay sa habagat, bagyong Carina nasa 32 na — PNP
UMAKYAT na sa 32 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng super typhoon Carina at southwest monsoon o Habagat.
Ito ay batay sa pinagasama-samang ulat ng Philippine National Police (PNP).
Karamihan sa mga nasawi ay dahil sa pagkalunod, landslides, electrocution at nabagsakan ng mga punong kahoy.
Sa tala ng PNP, 12 sa mga biktima ay mula sa Calabarzon, kabilang dito ang limang nasawi sa landslide sa Batangas, apat sa Rizal at tatlo sa Cavite.
Dalawa rin ang nawawala sa Cavite at Rizal habang anim anim ang nasugatan.
Sa Metro Manila, iniulat ng National Capital Region Police Office o NCRPO na 11 ang nasawi kasama ang tatlo sa Manila, tatlo sa Quezon City at tig-isa sa Malabon, Valenzuela, San Juan , Mandaluyong at Pasay.
Walo naman ang naiulat na nasugatan sa Quezon City.
Sa Central Luzon, iniulat ng Police Regional Office 3 na siyam ang nasawi kasama ang anim sa Bulacan at tatlo sa Pampanga.
Dalawa ang nawawala sa Bataan at Zambales at tatlo naman ang nasugatan kabilang ang dalawa sa Bataan at isa sa Pampanga.
Samantala, sa hiwalay na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, na 14 na tao na ang nasawi sa Luzon at Mindanao.
Walo sa mga ito ang kumpirmado kabilang ang apat sa Zamboanat tig-isa sa Northern Mindanao, Davao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Metro Manila.
Lima sa mga nasawi na mula sa Calabarzon at isa sa Bangsamoro ang patuloy pang bina-validate.
Umakyat narin sa 1.319,467 indibidwal o 299,344 pamilya ang naapektuhan mula sa lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Eastern Visayas.
Sa nasabing bilang, 211,396 indibidwal o 53,414 pamilya ang pansamantalang nanatili sa mga evacuation centers habang 675,932 katao o 114,735 pamilya ang nakitira sa kanilang mga kaanak.
Sumampa na rin sa P9,706,852 ang halaga ng pinsala sa agrikultura, P6,560,000 sa irrigation facilities at P1,298,974 sa imprastraktura.
Ilang lugar din ang nagdeklara ng state of calamity, kabilang sa mga ito ang Cavite, Pinamalayan at Baco Sa Oriental Mindoro; San Andres sa Romblon; Jose Abad Santos sa Davao Occidental; Kabacan at Pikit sa Cotabato.
Bukod dito, nagdeklara narin ng state of calamity ang Bataan, Bulacan, Cavite , Batangas at Metro Manila.
Sa ngayon, umabot na sa P61,338,767 halaga ng ayuda ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya.