Default Thumbnail

Patay sa Davao landslides 10 na

January 19, 2024 Zaida I. Delos Reyes 129 views

UMAKYAT na sa 10- tao ang nasawi sa dalawang landslides sa Davao Region dahil sa walang tigil na ulan.

Naitala ang unang insidente sa Purok Pag-asa, Mt. Diwata, Monkayo Davao de Oro noong Huwebes ng hapon na pumatay sa pitong miyembro ng pamilya at dalawang kapitbahay.

Nakilala ang mga nasawi na sina Catherine Gumatin, 27; Hannah Gumatin, 9; Dysna Gumatin, 3; Arjay Gumatin, 1; Gristelle Gumatin, 10; Ailee Gumatin, 8; Marjorie Nenaria, 33; Richell Rebuldad, 33; at Agnes Bitoon.

Nawawala sina Rommil Gumatin, 36, at Elvira Saldua, 35, sa landslide.

Patay din sa landslide sa Sitio Calachuchi, Salaysay, Marilog District, Davao City si Jeron Manay habang sugatan naman ang kanyang mga magulang.

Sa ulat ng Office of Civil Defense, apat na bahay ang natabunan ng lupa sa landslide sa Mt. Diwata.

Bukod sa Davao de Oro at Davao City, nagkaroon din ng landslide sa Barangay Badas, Mati City sa Davao Oriental.

Sa ngayon patuloy ang clearing operation sa national road sa nasabing lugar .

Kinansela din ang klase sa Davao City habang pinairal naman ang work from home sa mga nagtatrabaho sa gobyerno.

Bukod sa landslide, nakaranas din ng malawakang pagbaha ang lungsod na umabot na sa code red dahilan upang ipatupad ang force evacuation sa mga residente sa mga binabahang lugar.

Sa Davao del Norte, nagdeklara na ng state of calamity si Governor Edwin Jubahib dahil sa malawakang pagbaha sa Tagum,Panabo, Asuncion,D Dujali, Carmen, Kapalong, New Corella at Sto. Tomas.

Sa ulat ng Provincial Risk Reduction and Management Center, umabot sa 47,376 na pamilya o nasa 244,981na indibidwal ang naapektuhan ng shear line sa Davao Region.