Pasig

Pasig City wala pa ring mahusay na health care program — ex-LCP director

September 29, 2024 People's Tonight 843 views

BIGO umano si Pasig City Mayor Vico Sotto na maipatupad ang ipinangako nitong mahusay na programang pangkalusugan para sa mga Pasigueño sa nakalipas na limang taon.

Pagpuna ito ni Dr. Fernando Melendrez, dating director ng Lung Center of the Philippines, kasabay ng pagsasabing nananatiling nasa masamang kondisyon ang health care program ng Pasig City.

Ipinangako ni Sotto noong una pa niyang pangangampanya, taong 2018, na maisasaayos at bigyang prayoridad ang kalusugan ng mamamayan ng Pasig.

“Umasa ang mamamayan ng Pasig at matapos ang limang taon ay tila napako na sa limot ang pangako,” ani Melendrez.

Naging batas ang Republic Act 11223 noong Hulyo 2018 na lalong kilala sa tawag na Universal Health Care Act.

Nakapaloob dito ang karapatan ng bawat Pilipino na makaron ng maayos na kalusugan.

Ipinag-utos din sa nasabing batas na dapat ipatupad ng lahat ng local government unit, Department of Health at Philhealth ang mahusay na serbisyong pangkalusugan sa loob ng dalawang taon, lalo na’t mahigpit itong tagubilin ng Pangulong Bongbong Marcos at ni DOH Sec. Ted Herbosa.

Ayon sa dating direktor ng LCP, ang ideal na ratio kada isang doktor ay 4,500 pasyente, taliwas umano sa nangyayari ngayon sa Pasig City na ang isang doktor ay nakatoka sa 20,000 katao.

Ang Primary Care ay ang alagang pangkalusugan na hindi na umano kailangan ang ospital kung kaya’t napakahalaga ang pagkakaroon ng health centers sa bawat barangay.

Kasama rito, ayon kay Melendrez, ang ’accident and emergency care,’ ang ‘diagnosis and treatment,’ preventive (vaccination) etc, promotive (health diet and lifestyle) rehabilitative, pallative, pre-natal at post natal care at nutrition support.

Makikita umanong napakalaki ng kakulangan sa ‘primary care’ sa Pasig City na hindi na halos nagbago mula pa noong panahon ng mga Eusebio.

Ang mahihirap na pamilya na gustong magpagamot sa mga health centers sa lungsod ng Pasig ay kailangan dumanas ng mga problemang ‘tulad ng mahabang pila sa iilang doktor, minsan o kaya ay madalas na walang doktor at walang gamot, o walang ‘medical supplies,’ tulad ng gasa, bulak, herenggilla atbp.

Si Melendrez ay isang taal na Pasigueno. Dalawang ulit itong nabigyan ng award na Outstanding Citizen ng Pasig sa larangan ng medisina (1985 at 2015).

Bukod sa pagiging director ng LCP ay professor din ito ng UP College of Medicine.

Nilinaw niyang ang pahayag niyang ito ay personal at propesyunal niyang opinion at wala siyang balak pumasok sa politika.

AUTHOR PROFILE