Suarez

Panira lang

March 18, 2024 People's Tonight 64 views

Political rallies, dapat nang tigil; wala namang naitutulong ayon sa Hosue leaders

NANAWAGAN ang liderato ng Kamara na ipatigil na ang mga political rally na nakakasira lang sa katatagan ng pag-usad ng bansa.

Ang panawagan ay sa gitna ng kontrobersyal na “prayer rally” ng mga taga-suporta ng religious leader na si Apollo C. Quiboloy sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, na naging rally kontra gobyerno at puno ng mga pagbabanta laban sa administrasyon ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Ilan sa mga dumalo sa naturang pagtitipon sina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte, ilang senador at mga personalidad na kontra sa gobyerno.

Sabi ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez ito aniya ang unang pagkakataon na nakakita siya ng prayer rally na taliwas ang layunin.

Imbes kasi aniya dasal at aral ay iba ang mensahe na ipinaparating dito.

“Ako, ang posisyon ko, I don’t think nakakatulong po ito sa takbo ng ating bansa. Ang nais po natin ipakita stability within the country and having noise such as this is not helpful, especially that we’re on track towards recovery from a pandemic,” sabi ni Suarez sa regular na punong balitaan sa Kamara de Representantes.

Kaya naman ang panawagan ay magkaisa para suportahan ang mga hangarin ng administrasyon para sa pagpapatuloy ng legislative effort at pagpapabuti ng bansa.

“Sana hindi na madagdagan ito dahil nakikita naman natin na wala naman talagang magandang naidudulot so far,” sabi ni Suarez na pinatutungkulan ang naturang political rally.

“Let’s just focus on supporting the administration’s objectives and continuing our legislative work so that we can continue to support unity within the country and number two, of course, iyong Bagong Pilipinas na ipinaglalaban ng ating mahal na Pangulo,” dagdag niya.

Nababahala rin si Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun sa naturang prayer rally na puno ng hindi magandang mga pahayag na wala ring ambag sa bansa.

“Well, ngayon lang kami nakakita ng prayer rally na puro mura ang naririnig. Nagpapasalamat din naman ako dahil kahit anong naririnig natin dun eh hindi naman pinapatulan ng ating administrasyon,” sabi ni Khonghun.

“Wala naman talagang maitutulong sa bansa at saka hindi naman talaga prayer rally ang tawag dun eh, dahil talagang walang ginawa kundi puro poot at masakit na salita ‘yung binibitawan dun sa pagtitipon na ‘yun,” dagdag niya.

Ipinaalala naman ni Malasakit@Bayanihan Party-list Rep. Anthony Rolando Golez Jr. ang pagtalima sa mga batas at regulasyon sa pampublikong pagtitipon dahil mahaharap sa parusa ang mga lalabag.

Sabi pa nito na bagama’t pinapayagan ng Saligang Batas ang mga rally mahalaga na gawin ito sa tamang pamamaraan.

“If they violate a law then they can face justice on that,” babala niya.

Ganito rin ang posisyon ni 1-RIDER Party-List Rep. Rodge Gutierrez.

Aniya kinikilala nito ang kalayaan sa paghahayag at political dissent at hindi kasama dito ang mga pahayag patungkol sa karahasan lalo na sa mga pampublikong pagtitipon.

“Speaking of this particular rally, the political speeches that it has ultimately boiled down to would be understandable, but I have to express my deep disappointment in certain statements, certain controversial statements because we should never allow political dissent to boil down to espousing violence,” Gutierrez said.

Partikular na tinukoy ni Gutierrez ang pahayag ng isa sa mga nagtalumpati sa rally na si dating Biliran Rep. Glenn Chong, na nagbanta na sasampalin si First Lady Liza Araneta-Marcos.

AUTHOR PROFILE