Joet Garcia

Pangangalaga ng dialekto ng 𝗔yta 𝗠agbukun tiniyak ng Bataan

January 27, 2024 Christian D. Supnad 209 views

ABUCAY, Bataan–Patuloy ang pangangalagaan sa kultura at dialekto ng mga Ayta Magbukun sa lalawigang ito, ayon kay Gov. Joet Garcia.

Isang kasunduan ang pinirmahan ng gobernador sa pagitan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), Department of Education (DepEd Philippines), pamahalaang bayan ng Abucay, Brgy. Bangkal at ang komunidad ng Ayta Magbukun.

Base sa Memorandum of Agreement na nilagdaan, maglalaan ng sapat na pondo ang Bataan para matiyak na naipatutupad ang programang Bahay Wika at Master-Apprentice Language Learning Program.

“Makaaasa po ang buong komunidad ng Ayta Magbukun sa pangunguna ni Chieftain Rosita Sison na hindi kayo pababayaan ng inyong pamahalaan at magbibigay ng mga suporta para patuloy na mapangalagaan ang inyong kultura sa pamamagitan ng mga serbisyong hatid ng ating Pamahalaang Panlalawigan,” paliwanag ni Gob. Garcia.

Pinasasalamatan niya ang KWF na pinangungunahan ni Commissioner Arthur Casanova, Abucay Mayor Robin C. Tagle, DepEd-Bataan sa pangunguna ni Schools District Superintendent Carolina Violeta at mga opisyal ng Brgy. Bangkal sa pamumuno ni Kapitan Amante Inocencio.

Magkakatuwang silang lahat sa pangangalaga ng diyalekto ng Ayta Magbukun.