Edd Reyes

Pangamba ng pamilya ni Jemboy, pinawi ng Navotas police

February 28, 2024 Edd Reyes 316 views

MAY malalim na pinaghuhugutan ng sama ng loob, pangamba at pagkadismaya ang pamilya ng 16-anyos na si Jemboy Baltazar sa naging hatol ng hukuman sa anim na pulis na akusado sa pagpatay sa binatilyo.

Sa naturan kasing hatol, si Sgt. Gerry Maliban lamang nakatanggap ng mabigat na parusang pagkabilanggo ng mula apat hanggang anim na taon habang ang apat sa kanila ay apat na buwan lang na pagkabilanggo at isa ang pinawalang-sala.

Pero sa ating panayam kay Ginoong Nestor Salonga na dating mataas na opisyal ng Parole and Probation Administration, sa kanyang malalim na karanasan ay may karapatan si Sgt. Maliban na makapag-apply ng probation dahil hindi naman lumagpas sa anim na taon ang kanyang hatol, bukod sa first time offender, lehitimo ang police operation, at nakadagdag pa ang kanilang pagsuko matapos ang insidente.

Nangangahulugan na wala isa man ang makukulong ng mahabang panahon sa anim na akusado maliban kung may kinakaharap pa silang ibang kaso dahil ang apat pang nahatulan ng apat na buwang pagkabilanggo ay puwede na ring makalaya dahil ang bilang ng kanilang hatol ay magsisimula sa panahon ng kanilang pagkakakulong na noon pang Oktubre ng nagdaang taon matapos silang sumuko.

Sabi pa ni Mr. Salonga, sa umiiral na batas, kahit pa nga lagpas ng isang araw sa anim na taon ang hatol sa isang akusado, may pagkakataon pa ring mag-apply ng probation na posibleng maigawad, kumporme sa ilalatag na katuwiran ng kanyang abogado sa hukuman, habang ang apat na buwang pagkakulong ay puwedeng community service na lamang ang parusa.

Dagdag pa niya, kahit na i-apela pa ang desisyon sa Court of Appeals, patuloy na makakalaya ang mga akusado dahil sa hatol ng mababang hukuman at maaari lang silang arestuhing muli kapag nabaligtad ang desisyon.

Kaya ganoon na lang ang hinagpis ng pamilya ni Jemboy, kasabay pa rin ng pangamba na baka raw sila buweltahan ng mga pulis, lalu na kapag muling nakabalik ang mga ito sa serbisyo.

Pero sa isang pahayag, sinabi ni Navotas Police Chief P/Col. Mario Cortes na inatasan na niya si P/Capt. Ivan Riquejo, Commander ng Sub-Station 4, na bigyan ng kaukulang seguridad anumang oras, hindi lang ang pamilya Baltazar, kundi ang sinumang nangangailangan. Hindi aniya kukunsintihin ng PNP ang gawaing hindi naaayon sa batas tulad ng pangamba ng pamilya ni Jemboy at handa silang magbantay ng 24/7 sa kanilang pamilya para matiyak ang kaligtasan.

Navotas, nagdagdag ng hemodialysis machine

MULA nang buksan ng Navotas City Hospital (NCH) ang kanilang hemodialysis unit noong taong 2017, maraming Navoteño ang nakinabang sa libreng dialysis treatment kahit limitado lamang ang bilang ng mga napagsisilbihan.

Sa dami ng mga Navoteñong may diabetes, kinailangang palakasin ng NCH ang kanilang kapasidad na magbigay ng libreng dialysis treatment kaya’t naglaan ng pondo rito ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas para pambili ng karagdagang hemodialysis machines.

Nito nga lang nakaraang linggo, pinasinayahan nina Mayor John Rey Tiangco at Vice Mayor Tito Sanchez ang walong bagong hemodialysis machine kaya mula sa 15, maaari na ngayong tumanggap ng 21 session bawa’t araw para sa mga non-infectious na pasyente habang ang isang makina ay inilaan naman para sa tatlong sesyon sa mga pasyenteng may nakakahawang sakit.

Sabi nga ni Mayor Tiangco, kinailangan nilang pagsikapan na palaging maayos ang kanilang mga gamit sa kanilang pagamutan upang mapagkalooban ng pinakamahusay na serbisyong medikal ang kanilang mamamayan bagama’t mas kinakailangan aniyang alagaan ng mga Navoteños ang kanilang kalusugan upang hindi tamaan ng mabigat na karamdaman.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE