
Panawagang i-boycott ang remittance binira
NAGBABALA si Senate President Francis “Chiz” Escudero na matindi ang magiging epekto ng banta ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na huwag magpadala ng remittance sa kanilang pamilya sa Pilipinas bilang kilos-protesta.
Matinding epekto hindi lamang sa pambansang ekonomiya kundi pati na rin sa kabuhayan ng milyun-milyong pamilyang Pilipino ang bantang ito kung tototohanin, ayon sa senador.
“Para sa akin, karapatan nila ‘yon. Pero makakasakit ‘yon hindi lamang sa ating ekonomiya, pero sa maraming pamilyang Pilipino na umaasa sa kanilang mga kamag-anak at mahal sa buhay para sa kanilang pang-araw-araw, linggohan at buwanang gastusin,” ani Escudero.
Ayon sa senador, ang remittance mula sa mga OFW haligi ng ekonomiya ng Pilipinas na tinatayang umaabot sa humigit-kumulang $37 bilyon kada taon o halos 9% ng GDP ng bansa.
Batay sa datos mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas, higit sa 10 milyong Pilipino sa ibang bansa ang regular na nagpapadala ng pera upang suportahan ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Ipinahayag din ni Escudero na sa ngayon wala pa siyang nakikitang indikasyon ng pagbaba ng remittance inflow mula sa mga OFW.
Ang panawagan para sa remittance boycott lumilitaw na pinangungunahan ng mga online supporters ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Para sa dating Senate President na si Juan Ponce Enrile, hindi makatarungan ang bagay na ito.
Nagmungkahing ito na maaaring suspendihin ng gobyerno ang mga tax exemption at iba pang pribilehiyo ng mga OFW bilang tugon sa protesta.
Bagaman nananatiling neutral si Escudero sa mga motibo ng naturang kilos-protesta, iginiit niya ang kahalagahan ng paggamit ng mga paraan ng pagpapahayag na hindi nakapipinsala sa kapakanan ng mga karaniwang Pilipino.
“Hikayatin sila na maghanap marahil ng iba pang pwedeng gamiting paraan ilahad ang kanilang nasa sa loob at damdamin,” dagdag pa niya.