
Panawagan sa mga kasapi ng NPC
SA darating na Mayo 1, 2022 gaganapin ang ‘general assembly at halalan ng National Press Club (NPC) para sa bagong pamunuan nito; pagkaraan ng apat na taon, sapul noong 2018 kung kailan tayong nahalal na pangulo, muling magkakaroon ng pagkakataon ang mga kasapi ng midya na miyembro ng NPC na magkasama-sama, mabuti naman!
Siyempre muling bibida ang ating partido ang Press Freedom Party upang muling tiyakin na maipagpapatuloy natin ang ating nasimulang mga reporma at pagbabago sa NPC, dahilan kung muling nabalik ang tiwala dito ng mga mamamahayag, ng pamahalaan at ng publiko.
Alam ng maraming aktibong miyembro ngayon ang hirap at pasakit na kinakaharap ng ating partido sa paglilinis at pagbabalik sa prestihiyo ng NPC.
Hindi ito naging madali mula sa paglilinis ng ating listahan sa mga hindi karapat-dapat na maging miyembro nito. Dahil bago dumating ang ating partido ay talaga namang winalanghiya ang listahan na kahit hindi lehitimong kasapi ng midya ay naging miyembro ng NPC.
Sa pagnanais nating linisin ito at tanggalin ang dapat tanggalin, nagalit siyempre ang mga inalis natin sa listahan at ito ang mga wagas kung bumatikos sa ating organisasyon ngayon.
Kahit mga dating opisyal na nagsamantala sa ating organisasyon, matapos nating mabuko ang kanilang mga kawalanghiyaan kung anu-anong batikos ang ibinabato sa atin.
Pero alam ng ating mga aktibong miyembro kung ano na ang kalagayan ng NPC sa kasalukuyan. Maipagmamalaki natin na malayong-malayo na ito mula nang manungkulan ang PFP at sinimulan ang mga reporma.
Bagamat alam nating marami pa tayong magagawa at kailangang gawin, nakatitiyak ang mga aktibong miyembro na laging naririyan ang NPC.
Aktibong miyembro po ang ating ginagamit na termindo dahil may mga miyembro tayong hindi aktibo.
Hindi lamang po sa ating mga aktibidad kung pati sa pagbabayad ng kanilang membership dues. Paalala lamang po natin na hanggang Marso 17, itong Huwebes ang deadline sa pagbabayad.
Base po sa ating Konstitusyon, tanging mga miyembro lamang na ‘updated’ ang kanilang membership dues ang may karapatang bumoto at maiboto sa darating na Mayo 1.
Sa kasalukuyan sa mahigit na 400 regular na miyembro na mayroon tayo ay nakakalungkot na wala pa po sa 50 ang nakapagbayad.
Tandaan lamang din po natin na ito pong pagbabayad ng membership dues ay responsibilidad po ng miyembro.
Hindi po ito responsibilidad ng mga opisyal o ng sinumang tao kundi tayo po bilang miyembro.
Iyon lamang naman po ang ating pakiusap. Ang ikatatagumpay o ikakabagsak ng ating organisasyon ay hindi lamang po sa liderato kundi maging ang pakikiisa din ng ating mga miyembro.
Walang magtatagumpay na liderato ang NPC kung ang mga miyembro ay naghihintay lamang lagi ng biyaya at kung ano ang kanilang mapapakinabangan.
Ang diwa po ng organisasyon ay pagtutulungan at pagdadamayan. Ang bawat isa ay may kani-kaniyang responsibilidad, miyembro man at opisyal. Tayo pong mga miyembro ang pangunahin nating responsibilidad ay makapagbayad ang ating butaw.
Sana maibalik natin ang diwa na kung bakit tayo pumasok at naging miyembro ng NPC ay para makatulong sa kapwa nating midya at hindi para makapanglamang sa ating kapwa.
Mahirap na makita na nagbabayad ang iba subalit hindi naman ang iba. Nagbabayad ang iba, nakikinabang lamang ang iba.
Sana ay maibalik natin sa ating mga sarili ang responsibilidad na ito.
Sa sarili natin maramdaman na bahagi tayo ng organisasyon at masimulan natin na tayo mismo ang nakakapagbayad at personal nating napupuntahan ang NPC.
Uulitin natin, sa Marso 17, araw ng Huwebes, ang deadline ng pagbabayad sa mga butaw.
***
Alam din natin na dahil sa pandemya at kaakibat nitong naging paghihirap nating lahat, marami ang hindi nakapagbayad ng butaw sa nakaraang apat na taon.
Bilang ‘option,’ puwede naman kayo na ‘mag-reapply’ bilang mga “new members” para lang makahabol sa darating nating halalan.
Bilang “new members” P300 lang ang kailangan ninyong bayaran.
‘Yun nga lang, tandaan natin na bilang mga bagong miyembro, “bibilang” ulit kayo ng 20 taon bago makapag-apply bilang lifetime members—maliban na lang kung bayaran ang ‘old accounts’ para magpatuloy ang bilang ng taon ng inyong pagiging miyembro.
Dahil din babalik kayo sa new members, tandaan din na hindi kayo puwedeng mabigyan ng iba pang mga pribilehiyo ng mga matatagal nang miyembro, katulad ng pagiging ‘qualified’ na maging ‘scholarship beneficiary’ ang inyong mga anak na nag-aaral sa kolehiyo at tatanggap ng P5,000 subsidy ng NPC bawat ‘school semester.’
Ang NPC ay mananatiling tagapagtaguyod ng responsableng pamamahayag kaya ang ating panawagan sa ating mga miyembro, maging responsable tayong miyembro ng ating samahan.
Mabuhay tayong lahat, mabuhay ang NPC!