Artes

Pampamahalaang programa inilunsad ng MMDA

June 11, 2024 Edd Reyes 459 views

BINUKSAN sa publiko ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang “Pampamahalaang Programa at Serbisyo” noong Lunes sa Liwasang Rizal sa Maynila bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-126 na taong Araw ng Kasarinlan.

Taunang aktibidad ang Pampamahalaang Programa at Serbisyo na nilalahukan ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan upang itaguyod at maging madali ang pagkuha ng serbisyo ng publiko sa pangunahin nilang pangangailangan.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na magbibigay pagkakataon ang programa sa publiko para makuha ang mga pangunahing serbisyong kinakailangan mula sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.

“Tayo ay nagtitipon upang buksan sa publiko ang mga programa at serbisyo ng nagkakaisang pamahalaan.

Layunin ng programang ito na ilapit sa ating mamamayan ang mandato ng bawat ahensiya upang malaman nila kung saang ahensiya sila pupunta kapag nangangailangan ng serbisyo,” pahayag ni Artes.

Lumahok sa dalawang araw ng kaganapan sa Rizal Park ang may 39 na mga ahensiya ng pamahalaan, kasama ang dalawang non-government organization upang magkaloob ng kinakailangang serbisyo sa publiko.

Kabilang sa mga serbisyong makukuha sa programa sa bawat booth ang libreng pagpapa-enroll sa Motorcycle Riding Academy, mobile earthquake simulator, kampanya sa anti-smoking at solid waste management.

May booth din ang MMDA para sa mga motoristang nagnanais malaman kung sila’y may traffic violation at magkano ang multa.

Dumalo sa event sina Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Dominic Tolentino, Jr., Civil Service Commission (CSC) Acting Assistant Commissioner Nerissa Canguilan, National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Chairperson Lisa Guerrero Nakpil at National Parks Development Committee (NPDC) Executive Director Cecille Lorenzana-Romero.

AUTHOR PROFILE