Default Thumbnail

Pampabuwenas

January 2, 2023 Allan L. Encarnacion 256 views

Allan EncarnacionMULA pa pagkabata ay nakita ko na kung gaano kinakarir ng maraming Pilipino ang paglalagay ng prutas sa hapag at paglalagay ng kung anu-anong pampasuwerte sa tuwing papasok ang Bagong Taon.

Sa dami ng ritual, isa lang ang ginagawa ko taun-taon, sorry, ginagawa ko pala sa buong taon–iyong paglalagay ng prutas sa lamesa all year round.

Hindi naman pampasuwerte ang pakay ko, gusto ko lang laging may prutas sa dining table namin kasi, ang una kong ginagawa pagkagising ay umiinom ng tubig at kumakain ng isang lakatan na saging tapos iinom ulit ng tubig.

Kahit noong nagsisimula pa lang akong magpamilya, tinitiyak ko palagi na may prutas sa lamesa, laging puno ang bigasan at laging maraming pagkain sa kusina. Kapag napansin kong malaki na ang bawas sa bigasan, lalagyan ko agad para mapuno. Iyong pantry namin, hindi ko hinahayaang walang laman, ako mismo ang mag-grocery para pagdating ko, puno na naman. Umaangal nga palagi si misis kasi inunahan ko na naman siyang mag-grocery.

Sa tingin ko kasi, kapag ang mga basic needs ng pamilya ay abot-kamay nila, hindi sila makakaramdam ng hirap at hindi sila mag-aasam na yumaman.

Palaging inspired ang buong pamilya sa lahat ng kanilang ginagawa kapag panatag silang may makakain anumang oras silang dumating or anumang oras silang magutom. Iyon nga ang all year-round ritual ko na magtipid ka na sa ibang bagay, huwag lang sa pagkain.

Sa halip na bumili ako ng unggoy na lucky charm or palakang pampabuwenas, ibibili ko na lang ng siopao, tinapay at prutas kasi mas masuwerte kayang may pagkain kang bitbit pauwi kaysa talisman na ewan.

Kung may dala kang lucky charm, ang susunod na problema mo ay kung saan mo naman ilalagay kasi sabi ng mga pungsoy expert, malas daw pag wala sa tamang lugar! Alteast kung pagkain ang dala mo, alam mong sa kusina at sikmura lang ang tamang lagayan!

Sa totoo lang, ang tingin kong nagbibigay ng magandang kapalaran sa tao ay iyong kanya mismong sarili at hindi ang kung anu-anong kapangyarihan na hindi natin alam kung saan nagmula.

Magsikap ka lang at masigasig sa trabaho, maging mabuti ka lang sa kapwa mo, huwag ka lang makalimot magpasalamat sa Diyos sa malaki or kahit pa maliit na biyaya, iyon talaga ang naghahatid sa iyo ng buwenas sa buong taon.

Kahit anong buntot o sungay ng sino man ang ilagay mo sa pinagmumulan ng sikat ng araw pero batugan ka na naman at napakasama naman ng iyong ugali, aba’y walang buwenas na dadapo sa iyo.

Sabi nga, magbilang ka lang ng biyaya at huwag ang mga nangyayaring masama.

Happy New Year sa ating lahat!

[email protected]