Paul Gutierez

Pamilya Ranara nakulangan sa hatol sa killer ni Jullebee?

February 23, 2024 Paul M. Gutierrez 91 views

UNANG naisip bago natin sinulat ang pitak na ito, ay ‘malamya’ nga at kulang ang naging hatol sa gumahasa at pumatay sa OFW na si Jullebee Ranara na pinagtibay ng Appeal Court ng Kuwait ang guilty verdict at conviction at mabilanggo ng 16 taon.

Ganito nakulangan ang asawa ni Ranara na si Joey Marce na nagsabi sa isang panayam sa telebisyon na “Kung ano yung ginawa, dapat ganoon din po, ‘di ba?”

Pinaslang si Jullebee noong Enero 2023, kung saan lumabas pa sa autopsy na buntis ito, bunga ng naunang panggagahasa ng 17-anyos na anak ng kanyang amo, na siyang pumaslang sa ating kababayan.

Sa ganang atin, kaya nakiki-simpatiya tayo sa pamilya Ranara na ‘kulang’ ang hatol, ay dahil sa ibang murder case na mga pinaslang na OFW sa Kuwait, ay pawang kamatayan ang naging hatol ng korte sa Kuwait.

Kabilang dito ang kaso ng pagpatay kina Jeanelyn Villavende na pinaslang ng among babae noong 2020 at Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng freezer noong 2018 at nahatulan ng kamatayan ang mag-asawa niyang amo.

‘Yun nga lang, may batas pala ang Kuwait na ang maximum jail penalty ay 15 taon sa ilalim ng kanilang juvenile criminal law. Kaya ang sentensya sa sa killer ni Ranara ay 15 taon at isang taon para sa kasong driving without license.

Hindi natin kinukuwestiyon ang batas ng Kuwait, dahil kung susumahin, 33-anyos pa lamang ang salarin pagkalipas ng 16 na taon na matapos niya ang kanyang prison term. Kumbaga, baka hindi pa sapat ang parusa para masabing na-rehabilitate na siya.

Gayunpaman, nagpapasalamat tayo sa Department of Migrant Workers (DMW) dahil sa hindi nila pagbitaw at pagpapabaya sa kaso, bagama’t hindi na maibabalik pa ang buhay ni Jullebee.

Malaking bagay din ang pagtiyak ng DMW, sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos, na patuloy na bigyan ng suporta ang pamilya ni Ranara, bukod pa sa pagtulong ng gobyerno na magsampa ng civil action damages upang makakuha ng monetary compensation mula sa employer ni Ranara.

Hangad natin na magkaroon na nang kapanatagan ang pamilya Ranara at iba pang mga bayani nating OFWs na naging biktima ng pang-aabuso at pagpatay.

AUTHOR PROFILE