
Pakikialam ng istranghero sa kontrata
“Hindi madaling tasahin ang mga istranghero.”- Emily Pronin (2001)
ANG ating mundong ginagalawan ay binubuo ng pamilya,kaibigan, kaklase, katropa , at pati mga istranghero na kadalasang tanungan ng direksyon ng pupuntahan. Ang tao raw ay may ‘truth default mode”- ipinapalagay natin na nagsasabi ng totoo ang kausap, at mahirap matukoy ang kanilang kasinungalingan na batay lang sa kapiranggot, at kadalasan ay mapanlinlang, na impormasyon. Maraming panloloko, away, at digmaan ay sanhi ng pagmimiron at pakikialam ng istrangherosa pang-indibidwal at pang-daigdigang relasyon ng mga bansa. Subalit hindi lahat ng pakikialam ng istranghero sa mgakontrata ay masama sa mata ng batas.
Sapagkat ang isang kasunduan ay tinuturing na batas naumiiral sa mga partido ng isang kontrata, ang pakikialam ng istranghero na nag-uudyok o nagsusulsol sa tao ma labagin o huwag tuparin ang obligasyon ay mananagot sa pinsala ngkabilang partido ng kontrata (Art 1314 CC).
Sa Gilchrist v Cuddy(1915), pinagbayad ng daños perwisyo sina Espejo at Zaldarriaga, na sumulot ng pagpapaarkila ni Cuddy ng pelikulang Zigomar na arkilado ni Gilchrist sa bayad na P125 bawat linggo na tatagal ng 6 na linggo. Dahil sa pangambang malalaos ang pelikula, inalok ng dalawang istranghero si Cuddy ng P350 para sa isang linggong arkila ng pelikula. Pumayag si Cuddy at sinauli niya ang binayad sa kanya ni Gilchrist. Alam ng dalawang istranghero na arkilado na ang pelikula ng alukin nila ng napakataas na arkila si Cuddy -ito ang hindi maktwirang pakikialam sa kontrata. Hindi na mahalaga ang motibo ng dalawa. Dahil sa ginawang pagsulot , si Gilchrist ay mababawasan ng kita na mahirap kwentahin.
Sa Daywalt v La Corporacion PP Agustinos Recoletos ( 1919), dinemanda ni Daywalt si Teodorica Endencia na ayaw tumupad sa usapan na ipagbili ang 452 hektaryang lupa bago mairehistro ang lupain sa Torrens system. Nang lumabas ang titulo Torrens, ang sukat ng lupa ay 1,248 hektarya pala at ito ang naging depensa ni Endencia para hindi tumupad sa usapan sapagkat hindi ganoon kalaki ang lupang kanyang nais ibenta sa halagang P4K lamang. Isinama sa habla ni Daywalt ang mga pakialamerong paring Agustinos Recoletos na nagsulsol kay Endencia na huwag tumupad sa kasunduan kaya naunsiyami ang plano ni Daywalt na gawing hacienda ng asukal ang lupain, at humihingi siya ng P500K daños perwisyo sa mga pari.
Hindi pinagbayad ng daños perwisyo ang mga paring nagpakita ng malinis na hangarin. Balisa si Endencia sa problema niya sa bilihan ng lupa na umabot pa sa hiwalay na usapin sa Korte Suprema. Nakahanap ang babae ng kakampi at lakas ng loob sa mga paring nauunawaan ang kanyang kalagayan. Mali ang paratang na ang pakikialam ng mga pari ay para lang magamit na pastulan ng isang libong alagang baka ang lupain ni Endencia.
Sinalaysay sa desisyon sa Daywalt na ang doktrina sa hindi makatwirang pakikialam ng istranghero sa kontrata ay nagmula sa Lumley vs. Gye ([1853]; isang manganganta na may eksklusibong kontrata sa isang opera haus ang sinulsulan ng isang istranghero na lisanin ang kanyang amo upang pinsalain ng istranghero ang may-ari ng opera haus. Sinabi ng hukuman saInglatera na sinumang tao na umaakit sa isang empleyado na lisanin ang kanyang trabaho ay mananagot sa pinsala sa amo. Ang interes ng amo sa serbisyong ibinibigay ng kanyang empleyado ay isang karapatan pinapangalagaan ng hukuman atl igal na kamalian na sirain ang isang relasyon ng personal na serbisyo. Sa paglakad ng panahon, ang doktrinang ito ay sinakop na rin ang obligasyon sa karaniwang kontrata.
Ang malisya ay karaniwan na mahalagang sangkap sa mga kaso ng panghihimasok sa mga relasyon sa kontrata. Upang patunayan ito, sapat na alam ng pakialamero na mayroong obligasyon galing sa kontrata ang kinakausap, at mayroon siyang masamang hangarin na sirain ito. Subalit di madaling makilala ang katotohanan sa paglalansi ng isang istranghero bago pa mahuli ang pagtataksil.
Makinig, at suriin ang sinasabi ng istranghero bago sundin o isantabi ang payo niya.