Myanmar

Paigtingin tulong sa mga Pinoys sa Myanmar — mga senador

March 31, 2025 PS Jun M. Sarmiento 129 views

NANAWAGAN sina Sen. Sherwin Gatchalian at Senate President Francis “Chiz” Escudero sa pamahalaan na paigtingin ang mga hakbang sa pagtukoy at pagtulong sa mga Pilipino sa mga apektadong lugar kasunod ng 7.7-magnitude quake na tumama sa Myanmar.

“I urge the Department of Foreign Affairs and the Philippine Consulate in Myanmar to intensify efforts in locating Filipinos who have yet to be accounted for in the aftermath of the devastating earthquake,” ani Gatchalian.

Hinimok rin ni Gatchalian ang DFA na panatilihin ang mahigpit na koordinasyon sa Philippine embassy at patuloy na bantayan ang sitwasyon.

Suportado rin ni Gatchalian ang pagpapadala ng humanitarian team patungong Myanmar.

“Ang tulong natin, hindi lang sa kababayan, kundi para sa lahat ng apektado ng lindol,” aniya.

Samantala, iginiit din ni Senate President Escudero ang agarang pangangailangan ng komprehensibong listahan ng mga Pilipino sa Myanmar at Thailand na maaaring naapektuhan ng lindol.

“We still have Filipinos unaccounted for up to now and as such we should exert greater efforts to locate them at the soonest possible time,” ani Escudero.

Ipinarating din ni Escudero ang kanyang pakikiramay sa mga biktima ng lindol at pinasalamatan ang Myanmar at Thailand sa patuloy na pagtanggap sa mga Pilipinong manggagawa.

Ipinunto ni Escudero ang mga panukalang batas na kasalukuyang tinatalakay sa Senado, kabilang ang kanyang Senate Bill No. 289, na layong palakasin ang National Building Code at magpatupad ng mga regular na inspeksyon at sertipikasyon ng kaligtasan ng mga gusali.

Wala pang inilalabas na bagong tala ang DFA ukol sa mga nawawala o apektadong Pilipino ngunit nagpapatuloy ang mga pagsisikap kasabay ng koordinasyon sa mga embahada at katuwang na organisasyon.