
Pahalagahan at mahalin ang mga OFWs
HINDI ko masisi ang milyun-milyong kababayan natin na umaalis para magtrabaho sa ibang bansa.
Mahirap at mabigat sa dibdib na iwanan ang mga mahal sa buhay subalit kailangan mong tiisin kapalit ng kanilang ikabubuhay. Sabi nga, “choosing between the devil and the deep blue sea.”
Mananatili ka sa kanilang piling na kumakalam ang sikmura or mangingibang-bansa ka para may mailaman sa kanilang mga tiyan?
Kaya nga dobleng sakit ang tinitiiis ng ating mga kababayang “nagpapaalila” sa mga dayuhan subalit hindi maalagaan ang kanilang mga sariling anak.
Pero ano nga ba ang pipiliin mo, buhay o kagutuman? Paano ka hindi matutukso sa dolyares na kita versus wala ka kahit sentimo sa bulsa?
Noong nakaraang linggo, nagkaroon tayo ng pagkakataong makabalik sa Hong Kong matapos ang tatlong taong pandemic. Sumigla na ulit ang kanilang turismo, nasa record high sila ng 34 million sa 2023 tourists arrival, nalagpasan ang record ng pre-pandemic nila.
Tumuloy kami sa Marco Polo Hotel sa Canton Road dahil ito ang most accessible sa lahat ng lugar na gusto mong puntahan bukod pa sa malapit sa lahat ng gusto mong kainan na hindi naman mahal. Mami at siopao lang sa kanto, ayos na ang butu-buto!
Nagkataon naman na iyong in charge sa aming room ay isang Pinay na itatago natin sa pangalang Madame L. Tatlumpu’t dalawang taon na siyang empleyado ng Marco Polo. Kinumusta natin siya mula sa sitwasyon nila sa trabaho hanggang sa kanilang sahod.
Nagulat ako sa buwanang suweldo niyang HK$17,000. Ang katumbas sa atin ay P140,000 monthly. Paano mo ito tatanggihan, lalo na kapag ikinumpara mo sa minimum wage dito or kahit maging chamber maid ka pa sa 5-star hotel dito sa atin?
Pero hindi naman instant ang ganyang sahod niya. Nagsimula siya sa Marco Polo sa entry level na P30,000 monthly salary or HK$3,700. Malaki pa ring di hamak kapag itatapat sa sasahurin nila dito. Nasa P13,000 lang ang minimum wage dito. Pero siyempre, ikunsidera rin natin na kapag Hong Kong dollars ang sahod mo, natural na Hong Kong dollars din ang panggastos mo sa Hong Kong.
Magaling talaga ang mga Pinoy sa kanilang trabaho, maayos, magiliw at magalang kausap. “Ganyan po talaga kami kasi paraan po namin ng pasasalamat yan dahil tinatangkakilik nyo ang Marco Polo kaya may trabaho pa rin kami hanggang ngayon.” sabi niya sa atin.
Kinumusta ko rin ang naging sitwasyon nila sa nakaraang tatlong taong pandemic na sarado ang lahat ng mga hotels. Sabi ni Madame L, hindi sila pinabayaan ng Marco Polo, binibigay pa rin ang kanilang monthly salary kahit wala silang trabaho pero kalahati lang ng kanilang sahod. Galing di ba?
Nakakatuwa rin ang Marco Polo management sa kanilang ginawa kaya mas lalong napamahal sa akin ang hotel nila. Pero hindi lahat ng ating mga kababayan ay katulad ng naging kapalaran ni Madame L. Gaya nga ng mga OFWs natin sa Saudi Arabia na hindi napasahod magmula nang magpandemya dahil nagsara ang construction companty na pinagtatrabuhahan nila.
Marami pang OFWs sa iba’t ibang panig ng mundo ang araw-araw ay nabibiktima ng kalupitan, pang-aabuso at kung minsan ay umaabot pa sa kamatayan. Para lang maisaayos ang kanilang pamilya, handa nilang isakripisyo lahat!
Kaya nga dapat lang na ang pamilyang naiiwanan dito ng mga OFWs ay nagsisinop sa lahat ng mga perang ipinadadala nila dahil dugo at pawis ang kapalit ng mga kinita nila.
Ang masakit pa nga minsan, iyong mga naiiwanan ay hindi lamang nagiging bulagsak sa pera, nagiging masasama pa ang ugali kaya iyong hirap at dusang nakadagan sa mga OFWs natin ay mas lalo pang pinabibigat ng mga sitwasyong ng pamilya na kanyang iniwanan.
Sino ba naman ang hindi nangangarap na magkakasama ang pamilya sa sarili niyang bansa kung mayroon lang din talagang maayos na mapagkakakitaan.
Kaya nga maganda rin rin ang sinasabi ni PBMM na pangarap din niyang dumating ang panahong hindi na kailangang mag-abroad ang ating mga kababayan para magtrabaho. Kung mapalalawak ng pamahalaan ang opurtunidad at patuloy na maisusulong ang kaunlaran ng bansa, hindi imposible ang pangarap na ito ng ating Pangulo.
Pero habang hindi pa ito nangyayari, pakamahalin natin ang mga OFWs dahil sila ang nagpapalakas ng ating ekonomiya sa pamamagitan mga dollar remittances at sila rin ang sumasagip sa maraming pamilya mula sa kagutuman at kawalang pag-asa.