Magi

Pagtatasa ng reklamasyon ng lupa

August 24, 2024 Magi Gunigundo 428 views

ANG urbanisasyon na bumabalot sa Kalakhang Maynila at iba pang lunsod at munisipalidad na may dalampasigan ay nagbunga ng isang iskema na tumutugon sa kakapusan ng lupa. Ang nakikitang solusyon ay reklamasyon ng lupa sa dalampasigan na tinatambakan ng buhangin at bato na hinigop ng mga dambuhalang makina sa ilalim ng dagat.

Maraming reklamasyon ng lupa sa Manila Bay na inaasahang magdaragdag ng 10,000 ektarya o 100 square kilometers ng bagong lupa mula sa Navotas City hanggang sa lalawigan ng Cavite. Ang mga baybayin ng Coron, Palawan, at Dumaguete City, Negros Oriental, ay may nakaamba rin proyekto ng reklamasyon ng lupa. Isang epekto nito ang pagsasara ng mga negosyo dahil nawalan ang puwesto ng magandang tanawin tulad ng Sofitel Hotel.

Sa ilalim ng Republic Act No. 1899, ang mga LGU ay pinahintulutan na magsagawa ng reclamation ng foreshore land lamang. Ang naturang kapangyarihan ay binawi ng Presidential Decree No. 3 at ipinagkaloob ang eksklusibong kapangyarihan ng reklamasyon ng lubog na bahagi ng dagat sa Public Estates Authority (PEA), na ngayon ay tinatawag na Philippine Reclamation Authority (PRA).

Sa Chavez v. PEA (2002), dineklara ng Korte Suprema na void ab initio (walang bisa mula sa simula) ang PEA – Amari Coastal Development Corporation joint venture agreement (JVA) sapagkat labag ang “land sharing arrangement” sa Regalian doctrine na sinusunod ng Seksyon 2 , Artikulo XII , 1987 Konstitusyon.Pinaliwanag ng desisyon na ang mga lupang reklamado ay dominyo ng publiko na pag-aaari ng Estado kaya labas ito sa komersyo ng tao at hindi maaring maging bagay na mapagkakasunduan sa isang kontrata.

Sa kasalukuyan, ang mga LGU ay maaari lamang magsagawa ng reklamasyon ng lupa kung may pag-apruba ito ng PRA. Nililimitahan din ng Seksyon 17 ng Local Govt Code ang paggamit ng reklamadong lupa sa mga pampublikong pasilidad na imprastraktura. Ang paglikha ng mga bagong sentro ng negosyo ay hindi kasali dito. Kung susundin ang Konstitusyon, Public Land Act ( CA 141) at desisyon sa Chavez, kailangan ng isang batas na nagpapahintulot na paupahan ng LGU sa pribadong developer ang reklamadong lupa ng 25 taon na maaaring palugitan ng 25 taon ulit. Nagbabala si retiradong Hukom Frank E Lobrigo ( June 2022) na maaaring nilalabag na ng mga kontrata ng LGU at pribadong developer ang panuntunan ng batas sa reklamasyon. Kaya naman unang taon pa lang ng administrasyon Marcos ay inatasan na agad ang Kalihim ng DENR na repasuhin ang mga kontrata ng reklamasyon sa Manila Bay.

Sinabi ni DENR Sec. Loyzaga na ano mang reklamasyon sa Manila Bay ay kailangan sinasaalang- alang ang Manila Bay Mandamus Ruling na nilabas ng Korte Suprema noon 2008 na nag-uutos sa 13 ahensya ng gobyerno, sa pangunguna ng DENR, na linisin, ibalik sa mabuting kalagayan at pangalagaan ang Manila Bay sa isang antas na akma para sa komersyal na pagpaparami ng shellfish at bangus, gayundin para sa paglangoy, pagsisid at iba pang uri ng libangan sa tubig.

Binigyang-diin ni Loyzaga ang pangangailangang makabuo ng pinagsama-sama at panglahatang pagtatasa ng epekto ng lahat ng mga aktibidad ng reklamasyon, at hindi pa isa-isang pagsusuri ng mga indibidwal na proyekto at epekto nito sa lupa, hangin at tubig.

Maliwanag na sinabi ni David Timberman (1991) na ang walang pakundangan paglapastangan sa kalikasan ay nagpapalala ng buhay ng mga mahirap na hinahagupit ng bagyo, baha, sobrang init at tagtuyot. Ano mang reklamasyon sa Manila Bay ay tiyak na may epekto sa kalikasan.

Dapat nating yakapin ang deep ecology mindset na ginagalang ang kalikasan at sinisikap na magamit ang likas yaman ng bansa sa paraan na may maiiwan pang kagubatan ang susunod at mga susunod pang henerasyon ng mga Filipino ( Oposa v Factoran). Huwag sanang panghinaan ng loob ang Kalihim ng DENR sa kanyang pagtatasa ng mga proyekto ng reklamasyon na tinutulak ng mga walang konsensiyang negosyante na kita lang ang habol at walang pakialam sa kalikasan at sa mga susunod na henerasyon.

AUTHOR PROFILE