Default Thumbnail

Pagtaas ng presyo ng bigas, trahedya!

August 27, 2023 Vic Reyes 987 views

Vic ReyesMARAMI ang nagsasabing ang pagtaas ng presyo ng bigas ay kagagawan ng mga walang pusong negosyante. Ito ‘yong hoarders na nagtatago ng bigas para magkaroon ng artificial rice shortage.

Mabuiti na lang at nandiyan ang Bureau of Customs (BOC) na nagsasagawa ngayon ng inspeksyon sa mga bodegang pinagsususpetsahang naglalaman ng hoarded at smuggled rice.

Noon ngang Agosto 24 ay libu-libong sako ng bigas na pinaghihinalaang kontrabando ang nakita sa mga bodega sa Barangay San Juan sa bayan ng Balagtas, Bulacan.

Nagkakahalaga ng mahigit P505 milyon, ang mga bigas ay galing ng Thailand, Vietnam at Cambodia na mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations.

Ang public viewing ng hinihinalang smuggled imported rice – 202,000 sako – ay pinangunahan nina BOC chief Bievenido Y. Rubio, House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Reps. Erwin Tulfo, Wilfredo Mark Enverga at Ambrosio Cruz Jr.

Ang inspeksyon sa mga bodega ay pinangunahan ni CIIS Director Verne Enciso. Kasama sa team ang mga ahente ng CIIS-MICP at Philippine Coast Guardf Task Force Aduana.

Sinabi ni Director Enciso na sinarhan at nilagyan ng selyo ang mga bodega.

Ayon kay Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy, ang inspeksyon ng mga bodega ay may koordinasyon sa Bulacan PNP at opisyal ng Barangay San Juan.

Inutusan naman ni Commissioner Rubio ang mga may-ari ng mga bodega “to present the necessary documents that will support their rice importation.”

Sinabi pa ni Rubio na ang ismagling ng produktong agrikultura “poses a grave threat to our economy and creates a ripple effect that impacts the core of our agriculture sector – our farmers.”

Matatandaan na ang isa sa unang marching orders noon ni Pangulong Marcos sa BOC ay patigilin ang ismagling ng mga ipinagbabawal na gamot at agricultural products.

Alam ni Pangulong Marcos na tuloy pa rin ang illegal drug menace sa bansa kahit na naglunsad noon si dating Presidente Rodrigo R. Duterte ng all-out war laban sa droga.

Marami ngang namatay at nakulong dahil sa “bloody war” ng nakaraang admistrasyon.

Pero hindi natigil ang problema sa droga dahil siguro sa malaking kita sa illegal drug business.

Ang pagpupuslit naman ng mga produktong agrikultura ay nagpapahirap naman sa ating mga magsasaka at mangingisda na bumubuo sa bulto ng ating populasyon.

***

Isang Pinay na pasahero na galing ng Addis Ababa, Ethiopia ang inaresto ng mga otoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Huwebes, Agosto 24.

Sakay ng Ethiopia Airlines ET 664, ang babaeng pasahero ay nakitaan ng 3,454 gramo ng cocaine na nakatago sa kanyang luggage.

Inaresto ng BOC-NAIA, na pinamumunuan ni District Collector Yasmin O. Mapa, ang suspek sa Terminal 3.

Kasama sa operasyon ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang law enforcement arm ng Dangerous Drugs Board, at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.

Ang luggage ng suspek ay idinaan sa “rigorous screening, kasama ang x-ray scanning, K9 inspeksyon at thorough physical examination, ayon sa report ng BOC.

Kinumpirma ng PDEA na cocaine nga ang nakita sa luggage ng pasahero na nagkakahalaga ng mahigit na P18.3 milyon.

Ang suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165 o ang Comprehensive Drug Act at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Lalo namang pinaigting ng mga opisyal at tauhan ni Commissioner Rubio ang kampanya laban sa ismagling bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos.

Huwag nating kalimutan na malaking pera ang nawawala sa gobyerno kung hindi magbabayad ng tamang buwis ang mga importador at customs broker.

Hindi ba, Finance Secretary Benjamin Diokno?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE