Imee

Pagsuporta ni VP Sara kay Imee ikinagalit ng mga taga-suporta ni Duterte

April 23, 2025 People's Tonight 97 views

UMANI ng matinding reaksiyon mula sa mga masigasig na taga-suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga pangunahing personalidad ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang kamakailang pag-endorso ni Vice Pres. Sara Duterte kay reelectionist Senator Imee Marcos na dating kasapi ng Alyansa.

Umaapela ang mga lider ng PDP-Laban sa publiko na suportahan lamang ang ‘Duter10’ — ang opisyal na senatorial slate na inendorso ni dating Pangulong Duterte.

Hindi nagustuhan ng mga kandidato at taga-suporta ng ‘Duter10’ ang mga ad ni VP Sara sa telebisyon na nagpapakita ng kanyang pag-endorso sa mga kandidatong hindi kabilang sa opisyal na slate. Itinuturing ito ng marami bilang isang uri ng pagtataksil, lalo na sa gitna ng tensyon sa pagitan ng pamilya Duterte at ng kasalukuyang administrasyong Marcos.

Marami sa mga tagasuporta ng pamilyang Duterte ang nagpahayag ng pagkadismaya, sinasabing maaaring bumaliktad sa kanila ang mga personalidad na ngayo’y sinusuportahan ng bise presidente.

Ayon kay dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque, maaaring bumoto pa rin ang ilan para kina Marcos at Villar bilang paggalang kay Duterte, subalit nananatiling isyu ang pagkakaiba ng mga paninindigang pampulitika.

Ipinunto naman ni singer-lawyer at Duter10 candidate Jimmy Bondoc na maaaring may estratehiyang pampulitika sa likod ng mga endorsement ni VP Sara.

“Ang official endorsement ay dumaan sa proseso sa partido, at totoong gusto ipaboto sa inyo ng mga leader natin. Ang hindi official endorsement ay bunga ng maraming posibleng dahilan: political accommodation, honest personal preference, political contingency,” ayon kay Bondoc.

Nagbigay rin ng pahayag si Atty. Raul Lambino at hinikayat ang mga Duterte loyalist na huwag pansinin ang endorsement ni VP Sara at bumoto nang straight para sa Duter10, dahil sila lamang ang opisyal na suportado ng PDP-Laban.

“DuterTen kasi sampu po kaming kandidato ng PDP-Laban at kami lamang ang 10 na opisyal na inendorso ng dating presidente,” ani Lambino.

Samantala, nanawagan si Dr. Richard Mata sa mga taga-suporta ni Duterte na huwag iboto sina Marcos at Villar, binigyang-diin na maaaring mas nakatuon ang katapatan ng mga ito sa kasalukuyang administrasyong Marcos kaysa sa kampo ng mga Duterte.

Naglabas din ng mas kritikal na pananaw si Renato Reyes, presidente ng Bagong Alyansang Makabayan, at tinawag ang hakbang ni VP Sara bilang bahagi ng mas malawak na pampulitikang estratehiya.

“Gaya ng lahat ng alyansa ng mga tradisyunal na politiko ng naghaharing uri, ito ay alyansa ng kaginhawahan at oportunismo… Isang alyansa para hadlangan ang impeachment at manatili sa kapangyarihan lampas 2028,” ani Reyes.

Maging online, inulan ng batikos mula sa mga Duterte supporter ang pag-endorso ni VP Sara kina Villar at Marcos, at tinawag itong kahiya-hiya, dahil sa pagkakaibang politikal ng dalawang kampo.

AUTHOR PROFILE