Imelda

Pagsulpot ng Aktor PH ikinagulat ng KAPPT — Imelda

June 10, 2024 Ian F. Fariñas 168 views

INAMIN ng Katipunan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon (KAPPT) president na si Imelda Papin na ikinagulat ng Actors Guild ang pagsulpot sa eksena ng Aktor PH, ang bagong league ng Filipino actors na pinamumunuan ni Dingdong Dantes bilang chairman of the board.

Ginawa ni Imelda ang rebelasyon sa katatapos na presscon bilang newly appointed acting member ng board of directors ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ayon sa kanya, normal lang ang naging reaction ng KAPPT board dahil ito nga ang kinikilalang samahan ng mga artista sa pelikula at telebisyon sa loob ng mahabang panahon.

Isa pa, wala raw lumapit o nagpasintabi sa KAPPT bago binuo ang Aktor PH nu’ng kasagsagan ng Covid-19 pandemic.

“Dapat ano, kung tutuusin, dapat nag-usap muna kami bilang respeto sa Actors Guild because Actors Guild has been there, ‘no? ‘Yun naman talaga ang samahan ng mga artista sa pelikula at telebisyon. Sana meron sanang ano man lang, pasabi, pero okay lang sa akin ‘yon. Nu’ng una, ‘yun ang sentiment ng board, oo, kahit sino naman na ano, parang ‘ah, ganun ba?’ ‘meron ba?’ ‘bakit?’

‘Yung mga ganun, ‘di ba? Normal reaction po ‘yon. Pero ako naman, sabi ko, okay lang, we’ll just have to respect them also,” pahayag ni Imelda.

Patuloy niya, “Siyempre, una, nagtaka lang, nagulat lang. Bakit merong Actors Guild why is there another guild? ‘Aktor’ pa ang pangalan. ‘Yung una lang naman ‘yon. Pero sabi ko nga sa kanila (KAPPT Board), ‘dont worry about it, eh, ano naman nila ‘yon, eh. Kung anong gusto ng bawat isa, irespeto ‘yon.’”

Paglilinaw niya, wala namang conflict kahit karamihan sa miyembro ng Aktor PH ay original members ng KAPPT.

May freedom naman umanong mamili ang mga artista kung saan nila gustong maging miyembro o kung piliin nilang maging miyembro ng dalawang guilds. Katwiran ni Imelda, “Sa akin kasi, kahit alin dito sa dalawa, pareho din ‘yan. ‘Asa showbiz industry tayo, ‘asa movie industry, dapat welcome, actually, wala namang controversial issue dito. We have not talked about this yet. Mas maganda nga ‘yung more guilds, mas healthy. Pero wala pong nag-reach out.”

Naniniwala naman daw siya na may magandang objective ang Aktor PH para tumulong sa mga taga-industriya kaya nila itinayo ang bagong grupo.

Wala mang paramdam, sakaling mag-reach out ang grupo ni Dingdong ay willing ang KAPPT na makipag-dialogue sa mga ito.

Katwiran ni Imelda, “Maliit na dapat problemahin natin ito. Ako kasi, I’m very much concerned about helping ‘yung mga workers in the industry. Kasi ito ang mga kailangan ng tulong. ‘Yung sa Aktor PH members, they’re established na, eh. Ang pinakaimportante, tulungan natin ‘yung mga, especially right now, walang pelikulang ginagawa, walang trabaho, so mas malaki ang pansin ko doon.

“’Pag sila ang lumapit sa Actors Guild para makipag-dialogue, ay, anytime naman. Actually, ako na siguro ang ano… ang gagawa ng paraan para mag-usap-usap kami,” diin niya.

Anyway, bilang bagong upong board member ng PCSO, balak ni Imelda na maglunsad ng programang “Isang Linggong Serbisyo,” kung saan magiging bukas ang tanggapan pati Sabado at Linggo.

“Ano po, ang ibig ko po sabihin dito, since ang ating trabaho ay magmula Lunes hanggang Biyernes, dadagdagan natin ng Sabado hanggang Linggo ‘yung po ang ating gagawin. So parang walang tulugan, talagang trabaho ang gagawin natin,” aniya.

Mas marami umano ang matutulungan ng programa dahil hindi na kailangang maghintay ng work day ang mga nangangailangan ng suporta ng PCSO.

AUTHOR PROFILE