
Pagrebisa sa EPIRA susi sa pagbaba ng singil sa kuryente
HINDI pa man ini-aanunsiyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang SONA ang pagrerebisa sa Electric Power Industry Regulation Act (Epira), ninais na ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na rebisahin ang naturang batas.
Ipinasa kasi ito noon pang taong 2001sa layuning ma-deregulate at mabigyang laya ang industriya ng kuryente para magkaroon sila ng kompetisyon na makakahimok sa mga pribadong sektor na mamuhunan na magiging daan para tuluyang mapababa ang singil sa kuryente.
Isinulong pa nga ni Senator Juan Ponce Enrile ang pag-amiyenda rito noong taong 2004 dahil hindi ito nakatulong sa pagbaba ng singil sa kuryente pero matapos ang ilang dekada, nanatiling nagdurusa ang mamamayan at maging mga negosyante sa pagbabayad ng mataas na singil ng kuryente na ayon sa datus ay isa sa pinakamahal sa buong Asia.
Naniniwala si Speaker Romualdez na kailangang baguhin halos lahat ang probisyon ng naturang batas upang makatulong sa pagpapababa ng bayad sa kuryente ng mga consumer at negosyante na susi sa paghihikayat sa mga dayuhang mamumuhunan na magtayo ng negosyo sa bansa.
Ngayong binanggit ng Pangulong BBM ang kailangang pagrebisa sa Epira, tiyak na kikilos din ang Senado upang rebisahin ito para na rin sa kapakanan ng buong bansa.
May pagkakataon kasi na sa halip na makatulong sa paghihirap ng mamamayan ang mga ini-aakdang batas, lalu na ang pagsasa-pribado ng mga kompanyang dating kontrolado ng pamahalaan, nagiging sanhi pa ito ng pagkalugmok ng kabuhayan at ekonomiya ng bansa.
Isa pa nga rito ang Oil Deregulation Law na sa halip magkaroon ng mahigpit na kompetisyon dahil sa pagsulputan ng mga kompanya ng langis, iisa lang ang kanilang pagkilos sa pagtatakda ng pagtataas at pagtatapyas ng presyo ng kanilang produkto.
Navotas LGU, nakatutok sa pagkukumpuni ng navigational gate
KUNG noon palang 2022 ay tumalima na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa hirit ni Navotas Rep. Toby Tiangco na ma-upgrade ang navigational gate na humaharang sa tubig-dagat kapag high tide, hindi sasapitin ng Navotas at Malabon ang nararanasang pagbaha kahit walang ulan dahil sa pagkasira ng gate.
Hindi lang pag-upgrade ang hirit ni Rep. Tiangco kundi pati na ang konstruksiyon ng isa pang navigational gate bilang suporta sa unang gate na kabilang sa orihinal na disenyo pero hindi nangyari dahil wala raw pondo.
Kaya nang masira ang navigational gate nang sumadsad ang isang barge dito, tinutukan na ng magkapatid na Rep. Toby at Mayor John Rey Tiangco ang pagkukumpuning ginagawa rito dahil kahit gumagana ang 81 nilang Bombastik Pumping Station, hindi ito sapat lalu na ngayong panahon ng tag-ulan.
Pagkalap ng wastong bilang ng populasyon, sinimulan na
SINIMULAN na ang pangangalap ng wastong bilang ng mga taong naninirahan sa Navotas City para sa 2024 Census of Population and Community-Based Monitoring System matapos ang nilagdaang kasunduan nina Mayor John Rey Tiango at mga opisyal ng Philippine Statistic Authority (PSA).
Sabi ni Mayor Tiangco, magbibigay sa kanila ng makatotohahang bilang ng populasyon sa lungsod ang pagsasagawa ng census na magagamit nila upang maipagkaloob ang mataas na kalidad ng mga proyekto, programa, at serbisyo.
Tiniyak niya ng lahat ng mga makakalap na impormasyon sa bawa’t pamilya at mamamayan sa lungsod ay mananatiling “confidential” pra mapangalagaan ang pribadong buhay ng kanilang mamamayan.
Hinimok din ni Mayor Tiangco ang mga Navoteños na lumahok at suportahan ang mahalagang aktibidad at sagutin ng tapat ang bawa’t katanungan upang ang lahat ng pangangailangan ng bawa’t komunidad ay maipagkaloob ng tama ng lokal na pamahalaan.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].