EGG Source: DA

Pagpataw ng MSRP sa itlog, bawang suportado ng 132 GP Partylist

April 3, 2025 People's Tonight 180 views

“Siguradong makakatulong ito sa pamilyang Pilipino at masisigurong mura ang mga pagkain na humuhubog sa panlasang Pinoy.”

NAGPAHAYAG ng suporta ang 132 GP (Galing sa Puso) Partylist sa pagpapatupad ng maximum suggested retail price (MSRP) para sa itlog at bawang, na kanilang itinuturing na isang mahalagang hakbang upang mapanatiling abot-kaya ang mga produktong ito para sa mga Pilipino.

Sa isang pahayag, sinabi ni 132 GP Partylist first nominee Atty. JP Padiernos na ang pagtakda ng MSRP para sa mga produktong ito ay magsisilbing panangga laban sa manipulasyon ng presyo ng mga cartel, na maaaring mag-imbak ng suplay upang lumikha ng artipisyal na kakulangan sa pamilihan.

Binigyang-diin din ni Padiernos na ang itlog at bawang ay may mahalagang papel sa paghubog ng panlasang Pilipino, kaya dapat tiyakin ng pamahalaan na mananatiling patas ang kanilang presyo sa mga pamilihan sa buong bansa.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng anunsiyo ng Department of Agriculture (DA) na kasalukuyan nilang pinag-aaralan ang panukalang ito bilang tugon sa inaasahang pagtaas ng presyo dahil sa posibleng pagmamanipula ng merkado.

“Ang panukalang ito ng Department of Agriculture ay isang magandang paraan upang masiguro na mapanatiling abot-kaya ang presyo
ng mga nasabing pagkain, lalo na’t pangunahing pangangailangan ito ng mga ordinaryong Pilipino,” ayon kay Padiernos.

“Kung sakaling ipatupad ng DA ang MSRP para sa itlog at bawang, siguradong makakatulong ito sa bawat pamilyang Pilipino at masisigurong mura ang mga pagkaing humuhubog sa panlasang Pinoy,” dagdag pa niya.

Ayon sa DA, umaangkat ang Pilipinas ng 95 porsyento ng suplay nito ng bawang. Kamakailan, ang halaga ng imported na bawang ay halos doble kumpara sa inaasahang presyo ng ahensya, kaya’t sinimulan nilang pag-aralan ang panukala.

Samantala, nananatili sa pagitan ng P6 hanggang P8 kada piraso ang presyo ng itlog, mas mababa kaysa sa naunang naiulat na P10 hanggang P12.

Ipinahayag naman ng DA na magsasagawa sila ng konsultasyon sa mga stakeholder ng industriya bago tuluyang ipatupad ang anumang desisyon upang matiyak na lahat ng sektor ay may tamang kaalaman tungkol sa panukalang ito.

AUTHOR PROFILE