
Pagkakataon na ng taumbayan!
DALAWANG buwan, o walong linggo na lang ay matatapos na ang 2023, na kung kailan nagsimula muling umarangkada ang ating ekonomiya pagkatapos ng dalawang taong pandemya.
Umaasa ang mga taga-aduana na ang papasok na bagong taon, na isang “leap year,” ay gaganda pa ang ibinibigay na serbisyo ng mga opisyal at tauhan ng Bureau of Customs (BOC).
Nagbubunga na ang mga pagbabagong ipinapatupad ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, ang Ilocanong kababayan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Ang mga pagbabagong ito ay naglalayong mapalaki ang revenue collections ng ahensya na nasa ilalim ng Department of Finance (DOF) na pinamumunuan ni Secretary Benjamin Diokno.
Isinusulong din ng Marcos administration ang digitalization ng mga proseso sa aduana para mapabilis ang eksaminasyon at paglabas ng mga kargamento sa mga pantalan sa buong bansa.
Isa rin itong paraan para maiwasan ang graft and corruption sa “snake-infested waterfront.”
Hindi madali ang pag-eradicate ng mga kalokohan sa aduana dahil nandiyan pa ang ilang mga “bugok na lingkod-bayan” na sumisira sa imahe ng BOC.
Ang kailangan lang ay tumulong na ang publiko sa kampanya ni Pangulong Marcos na ibalik ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno.
Sa tingin ng marami ay kaunting panahon na lang at matatanggal na sa iba’t-ibang opisina ng gobyerno, nasyonal man o lokal, ang mga tiwali at walang silbing empleyado.
Tama ba kami, Pangulong Marcos?
****
Sa Lunes, Oktubre 30, ay Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na.
Pagkakataon na ng taumbayan, sa pamamagitan ng mga rehistradong botante, na alisin ang mga mandurugas, magnanakaw at abusadong punong barangay at kagawad.
Matagal ng hinihintay ng taumbayan ang eleksiyon na ito dahil sobra na ang kalokohan ng ilan nating opisyal at kawani ng mga barangay.
Ang problema lang, may mga botante diyan na walang malasakit sa kapakanan ng barangay at mamamayan.
Ang ibinoboto nila ay yaong mga mapera pero wala namang alam na kandidato. Ang alam lang ng mga ito ay bumoto ng “yes” o “no” kapag may sesyon ang barangay council.
Paano nila maipaglalaban ang kapakanan ng barangay at mamamayan kung wala silang kaalam-alam sa nangyayari sa bansa.
Sayang lang ang pagboto sa mga ito na “miyembro naman ng komite de silensyo.”
Sa totoo lang, mahalaga ang papel na gagampanan ng mga mahahalal na opisyal ng barangay. Halimabawa na dito ay ang ang pagtulong nila sa mga ahensya ng gobyerno na kagaya ng Bureau of Customs (BOC).
Sila kasi ang unang nakakaalam kung ang isang bodega o warehouse sa kani-kanilang barangay ay ginagamit na imbakan ng mga smuggled at hoarded na bigas.
Kaya sana maging matalino na tayo sa ating pagboto.
Siguruhin na ang iboboto natin ay karapat-dapat at may sapat na kaalaman sa pagpapatakbo ng barangay.
Huwag na natin bigyan ng pagkakataon ang mga walang alam at mapagsamantalang kabarangay na ang tanging hangad ay gumawa ng pera at magpayaman.
Tama ba kami, Interioir and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr.?
***
Mukhang lumalala ang hidwaan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS).
Ang masakit dito ay marami tayong mga kababayang mangingisda at mga mahal sa buhay na magugutom kapag nauwi sa sakitan ang sigalot ng dalawang bansa.
Karamihan sa mga nangingisda sa West Philippine Sea ay mga taga-Pangasinan, Zambales at Occidental Mindoro.
Para na natin silang pinatay sa gutom kung hindi na sila makapag-hanapbuhay sa pinag-aagawang karagagatan.
Ang hindi natin maintindihan ay kung bakit hindi makapangisda ang ating mga kababayan sa loob ng ating exclusiive economic zone (EEZ) na kinikilala naman ng international community.
Mabuti naman at “very firm” ang ating gobyerno na ipagtanggol ang ating mga teritoryo.
At tama lang na humingi na tayo ng tulong ng Estados Unidos at iba pang bansang sumusuporta sa atin.
Ika nga, it’s a move in the right direction.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)